@Editorial | June 11, 2021
Patuloy ang panawagan sa mga nagpaturok ng 1st dose ng bakuna kontra-COVID-19 na balikan ang 2nd dose para maging ganap ang proteksiyon.
Partikular ang ating mga senior citizens na tila nakalimutan nang bumalik.
Base sa datos, kabilang ang mga lolo’t lola sa mahigit isang milyong naturukan ng first dose na hindi na nagpaturok ng kanilang second dose.
Pagtitiyak ng Department of Health, kahit hindi nakapunta sa takdang schedule, puwede pa ring magpabakuna, ang mahalaga ay bumalik.
Napakahalagang fully vaccinated ang mga nasa priority groups sa katuwiran na bukod sa kalusugan, ito ang magiging daan para muling mapasigla ang ekonomiya ng bansa.
Samantala, patuloy din ang panawagan sa gobyerno na payagan na ang mga fully vaccinated seniors na makalabas na ng kanilang bahay. Anila, kung ‘yung iba na hindi pa nababakunahan, may comorbidity man o wala ay nakalalabas na, eh, bakit daw naman ang mga fully vaccinated seniors na nagtiwala sa siyensiya ng pagpapabakuna at sumusunod sa health protocols ay pinagbabawalan?
Siguro, kaunting tiis lang at makalalabas din ang lahat. Sa ngayon, unawain at sundin muna natin ang mga dapat gawin laban sa virus para tuluyang makontrol ang sitwasyon.
Lahat naman tayo ay naghahangad na maging maayos na ang lahat, pero hangga’t may natitirang pasaway, talagang damay-damay ‘to.
Kaya ang pakiusap, simulan sa sarili ang pagiging mabuting ehemplo. Kung nakikita nila na tayo’y responsable at disiplinado, kahit paano ay tatablan din sila ng hiya.
Muli, sa mga medyo nakalilimot sa bakuna, bumalik na tayo para tuluy-tuloy ang ating pag-usad sa new normal.
Comentários