ni Mylene Alfonso | April 20, 2023
Sisimulan na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagtuturok ng second booster shot laban sa COVID-19 para sa general population.
Ito ay makaraang ilabas ng Department of Health (DOH) ang guidelines para sa 2nd COVID-19 booster shot sa general population.
Ito ang inanunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna sa regular na pagdaraos ng 'Kalinga sa Maynila' sa Barangay 328, Sta. Cruz, Maynila, kahapon.
Ayon kay Atty. Princess Abante, kabilang sa maaaring pagkalooban ng second booster shots ay general population na nasa 18-anyos pataas, buntis, nagpapasuso at immunocompromised individuals.
Maaaring magpaturok ng kanilang ikalawang booster shot, anim na buwan pagkatapos ng unang booster.
Nabatid na ang 2nd booster shot ng COVID-19 vaccines ay available sa lahat ng 44 health centers sa lungsod mula Lunes hanggang Biyernes, 8am-4pm.
Nabatid na ipamamahagi ang second booster sa pangunguna ng Manila Health Department (MHD), na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan.
Kinakailangan lamang na dalhin ang QR code mula sa inyong rehistro sa manilacovid19vaccine.ph. para makapagpa-booster.
Comments