ni Lolet Abania | September 13, 2021
Dumating na sa bansa ang 2 milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na binili ng gobyerno mula sa China ngayong Lunes.
Ang mga doses ng Sinovac vaccine na nagmula sa Beijing, China ay sakay ng Philippine Airlines flight, kung saan lumapag ang shipment sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, pasado alas-7:00 ng umaga.
Sinalubong ito sa NAIA ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Task Force Against COVID-19, habang tinanggap ng opisyal ang vaccine procurement ng Pilipinas sa China.
Mula sa NAIA, ang mga vaccine doses ay dadalhin naman sa isang cold storage facility.
Ayon kay Galvez, ang mga Sinovac vaccine doses na dumating ngayong araw ay nakatakdang ideliber sa Regions 4A, 3, 6, 11, 9 at sa may matataas na kaso ng COVID-19, pati na rin sa 151 highly urbanized na mga siyudad.
Sinabi pa ni Galvez na ang 2 milyong Sinovac doses na dumating sa bansa na nakaiskedyul na ideliber ng Setyembre ay bahagi ng 12-milyong doses na procured ng gobyerno. Habang ang 10 milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine naman ay inaasahang dumating sa Oktubre.
Aniya, sa ngayon umabot na sa kabuuang 56.7 milyon ang COVID-19 vaccine doses na natanggap ng bansa.
Binanggit din ni Galvez na sa huling linggo ng Setyembre, makatatanggap naman ang bansa ng 5.5 milyon Pfizer COVID-19 vaccine doses mula sa COVAX facility.
Inaasahan din aniya, ang pagdating sa mga susunod na araw ng mga vaccines ng AstraZeneca at Moderna.
Sinabi naman ni Galvez sa taped address ni Pangulong Rodrigo Duterte na inilabas nitong Sabado, na nakatakda nang simulan ng gobyerno ang pagbabakuna sa general public sa susunod na buwan dahil na rin sa inaasahang pagdating ng mahigit sa 61 milyon doses ng COVID-19 vaccines.
Samantala, patuloy ang negosasyon ngayong Lunes para sa tripartite agreements kasama ang national government at local government units sa pagkuha ng AstraZeneca vaccine doses.
Ayon sa opisyal, naghahanap na rin ang pamahalaan ng iba pang mga brands ng bakuna habang kinokonsidera nila ang gastos para rito at ang pagiging epektibo ng vaccine.
“Ang aming recommendation sa HTAC (Health Technology Assessment Council) ay lahat na bibilhin natin na mga vaccine dapat may WHO (World Health Organization) emergency use list para sigurado tayo na itong mga vaccines na ito ay kasama sa ating portfolio. Kasi ang ano natin, as much as possible, lahat ng gagawin natin sa portfolio sa 2022 ay may WHO emergency use list para sigurado tayo ‘yung mga vaccines kasama sa COVAX,” sabi ni Galvez.
Comments