ni Lolet Abania | January 10, 2022
Aabot na sa 300 personnel ng Philippine National Railways (PNR) ang nagpositibo sa test sa COVID-19 matapos ang ginawang antigen test sa kanila habang nasa isolation na ang mga ito.
“’Yung ating huling bilang na 261, ngayon po ay 285 na at continuing po ang ating testing lalo na sa passenger-facing employees,” ani PNR spokesperson Atty. Celeste Lauta sa isang interview ngayong Lunes.
Ayon kay Lauta, sa 285 personnel na may COVID-19, 58 ay “passenger-facing” o iyong may exposure sa mga pasahero.
“Karamihan naman po ay non-passenger facing,” ani Lauta, subalit aniya, sapat pa ang mga staff nila para makapag-operate.
Sinabi ni Lauta na ang PNR ay mayroong humigit-kumulang sa 1,700 personnel, kabilang na ang mga service providers.
Tiniyak naman ni Lauta sa mga pasahero ng PNR na bawat train ay kanilang dini-disinfect matapos ang kada biyahe nito.
“Bago siya bumalik sa susunod niyang biyahe,disinfected na po iyon,” saad pa ng opisyal.
Bukod dito, isinasagawa rin ang mahigpit na health protocols sa loob ng tren at paligid ng mga istasyon.
“Kaya tayo nagka-conduct ng random testing sa ating mga pasahero ay para makita natin ‘yung data or ‘yung sample namin kung meron nang mga positibo sa aming mga mananakay,” wika ni Lauta.
Ayon pa kay Lauta, nitong Biyernes sinimulan na rin ang random testing at magpapatuloy pa ito.
“Yun ang magde-determine kung ano ang magiging rekomendasyon natin sa Department of Transportation kung ibabalik ang pagsuot ng face shield,” ani pa ni Lauta.
Comments