ni Mylene Alfonso, Mai Ancheta, Benjamin Chavez @News | July 29, 2023
Sinabi ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Armand Balilo na umamin umano ang kapitan ng lumubog na bangka sa Binangonan, Rizal na nag-overload ito ng pasahero at hindi pinagsuot ng life jacket ang mga sakay.
“May pag-amin na ginawa ang kapitan na talagang in-overload niya ang boat at hindi pinagsuot ng life jacket,” ani Balilo.
Sinasabing 42 lamang ang kapasidad ng motorbanca pero sa naganap na trahedya, 43 ang nailigtas ng mga awtoridad at 27 ang namatay dahil sa pagkalunod.
Lumabas pa sa inisyal na imbestigasyon na bago bumiyahe ang pampasaherong bangka na Princess Aya ay 22 lamang ang pasaherong nasa manipesto na ipinakita umano ng kapitan ng bangka sa Coast Guard personnel.
Dahil wala namang indikasyon ng masamang panahon, pinayagan umano ang paglalayag ng pampasaherong bangka.
Kaugnay nito, sinibak sa puwesto ang dalawang personnel ng PCG na nakadestino sa Binangonan, Rizal matapos ang insidente.
Ayon kay PCG Commandant Artemio Abu, ang dalawang sinibak na personnel ay nakatoka sa pag-monitor sa biyahe ng mga pampasaherong bangka sa lugar.
Malalaman aniya sa gagawing imbestigasyon kung nagkaroon ng kapabayaan ang dalawang PCG personnel sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Hindi pinangalanan ni Abu ang dalawang sinibak na tauhan.
Ang pagsibak aniya sa dalawang tauhan ay upang hindi maimpluwensyahan ang gagawing imbestigasyon sa insidente.
Sinuspinde na ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang safety certificate ng MB Aya Express dahil sa kuwestiyon ng integridad nito
Kommentare