ni Gina Pleñago | May 16, 2023
Nasa 267 na persons deprived of liberty (PDLs) ang napalaya mula sa iba't ibang kulungan at penal farm sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor), kahapon.
Sa naturang bilang, 22 ang pinalaya mula sa Correctional Institute for Women (CIW) sa Mandaluyong City sa simpleng culminating activity sa pangunguna nina Senator Imee Marcos at BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr.
Kinabibilangan ang mga pinalayang mga nakapagtapos na ng silbi sa kanilang mga sentensya, mga napawalang-sala sa mga kaso, napagkalooban ng parole at ilan ang nakalaya dahil sa cash bond.
Nabatid na 70-anyos ang pinakamatandang PDL na lumaya habang 22-anyos naman ang pinakabata.
Binigyan sila ng certificate of discharge from prison, grooming kit, gratuity at transportation allowance.
Ipinahayag ni Catapang ang kanyang buong suporta sa Senate Bill 884 na naglalayong amyendahan ang Republic Act 7309 sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas mataas na compensation para sa mga biktima ng hindi makatarungang pagkakakulong at marahas na krimen na itinutulak ni Senator Chiz Escudero.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang biktimang ‘wrongfully imprisoned’ ay maaaring mag-claim ng hanggang P10,000 kada buwan ng pagkakakulong mula sa kasalukuyang P1,000.
Comments