top of page
Search

25 Sa Phl Women's Football Women sisipa sa Pinatar Cup

BULGAR

ni Anthony E. Servinio @Sports | February 4, 2023




Ipinakilala na ng Philippine Football Federation (PFF) ang 25 kasapi ng Philippine Women’s Football National Team na sasabak sa 2023 Pinatar Cup sa Murcia, Espanya simula Pebrero 15. Ang listahan ay unang patikim sa kung sinu-sino ang bubuo ng pambansang koponan sa makasaysayang paglahok sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Hulyo sa New Zealand.


Sa gabay nina Coach Alen Stajcic at team manager Jefferson Cheng, pangungunahan ang atake ng Filipinas ng mga matitinik na forward na sina Sarina Bolden, Quinley Quezada, Katrina Guillou at Isabella Flanigan. Nagtala si Bolden ng 14 goal sa buong 2022 at sinundan nina Quezada na may 12 at Guillou na may 10 habang tatlong goal sa Seniors si Flanigan na naglaro rin sa Under-18.


Ang midfield ay hahawakan ni kapitana Tahnai Annis kasama sina Anicka Castaneda, Sara Eggesvik, Carleigh Frilles, Reinna Gabriel, Kaya Hawkinson, Camille Rodriguez, Jaclyn Sawicki at Meryll Serrano. Hindi nalalayo sina Frilles na may 11 at Annis na may 10 goal noong nakaraang taon.


Pagdating sa depensa, nariyan ang tatlong maaasahan na goalkeeper na sina Olivia McDaniel, Inna Palacios at Kiara Fontanilla. Tutulungan sila ng mga defender Maya Alcantara, Alicia Barker, Reina Bonta, Jessika Cowart, Malea Cesar, Sofia Harrison, Eva Madarang, Dominique Randle at bise-kapitana Hali Long.


Unang haharapin ng #53 sa FIFA Women’s Ranking Filipinas ang #32 Wales sa Pebrero 15. Susundan ito ng mga laro kontra #25 Scotland sa Pebrero 18 at #16 Iceland sa Pebrero 21 at ang may pinakamataas na kartada matapos ang single round robin ang kokoronahang kampeon.

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page