ni Ronalyn Seminiano Reonico | August 08, 2021
Sisimulan na ang 24/7 vaccination drive sa Manila ngayong Linggo kung saan isasagawa ang pagbabakuna ng first dose para sa mga kabilang sa A1, A2, A3, at A5 priority groups sa mga school sites.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno, bawal ang walk-in dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa Metro Manila. Aniya pa, “Magsisimula po ang ating 24/7 na pagbabakuna sa tatlong school sites para sa mga kabilang sa A1, A2, A3, at A5 priority groups pagsapit ng ika-7 ng gabi. Ito'y para po sa first dose na pagbabakuna. Tig-2,000 doses po ang nakalaan sa bawat site.”
Kailangan din umanong ipakita ang naka-print na waiver form o QR code upang mabakunahan. Dapat ding magdala ng ID at mahigpit na ipinatutupad ang health protocols sa mga vaccination sites.
Paalala rin ni Mayor Isko, “Kung ano po ang nakalagay sa inyong stub ay doon lamang ang inyong lugar ng bakunahan. Ito'y para maiwasan ang siksikan sa ating mga vaccination site.
“Istrikto po nating susundin ang iskedyul na itinakda para sa inyo upang maiwasan ang siksikan ngunit maaari po kayong pumunta sa ibang oras kung naharap sa isang emergency situation.”
留言