top of page
Search
BULGAR

24.7 M nu'ng nakaraang taon… 5.3 M nag-enroll ngayong SY 2021-2022 — DepEd


ni Lolet Abania | August 20, 2021



Nakapagtala ng mahigit sa 5 milyong estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12 ang nag-enrol na para sa School Year 2021-2022, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Biyernes.


Sa Facebook post ng DepEd, hanggang nitong Huwebes ay umabot na sa 5,356,643 ang nai-record ng ahensiya na nakapag-enrol na mga estudyante mula sa pampubliko at pribadong paaralan.


“Umabot na sa kabuuang bilang na 5,356,643 ang mga nakapagpatalang mag-aaral na papasok sa Kindergarten hanggang Grade 12 sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa,” pahayag ng DepEd.


Nakatakda naman ang pagsisimula ng klase ngayong taon sa Setyembre 13.


Ayon sa DepEd, nu'ng nakaraang school year, kung saan nagbukas ang klase ng Oktubre 5, 2020, ang kabuuang bilang ng mga enrollees na kanilang nai-record ay umabot sa 24.7 milyon. Nasa 89% lamang ito ng kabuuang enrollees noong School Year 2019-2020 bago ang pandemya ng COVID-19.


Sinabi ng DepEd na ang region na may pinakamaraming enrollees ay Calabarzon na may 710,526; kasunod ang Central Luzon na nasa 450,202; at sa Western Visayas na may 436,301.


Sa ngayon, nasa kabuuang 4,557,327 estudyante ang nag-enrol sa early registration na kanilang isinagawa.


Tinatayang 734,306 estudyante ang nag-enrol sa public schools, habang 63,102 naman sa private schools.


Ayon pa sa DepEd, noong nakaraang taon, nasa 398,000 estudyante mula sa mga pribadong eskuwelahan ang nag-transfer sa mga pampublikong paaralan.


Samantala, sa ngayon, nasa 1,908 estudyante ang nag-enrol sa mga state universities and colleges (SUCs) gayundin sa mga local universities and colleges (LUCs).

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page