ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | April 4, 2023
KATANUNGAN
Ako ay isang single mom sa edad na 23, at ang anak ko ay 2-anyos, sanggol pa lang siya ay iniwan na ako ng naging ika-limang boyfriend ko. Mula noon, hindi na ako nagtiwala pa sa lalaki dahil ang tingin ko sa kanila ay puro manloloko, hanggang may nakilala akong lalaki. Niligawan niya ako at kahit single mom ako, handa raw siyang pakasalan ako, pero hindi ko pa siya sinasagot.
Maestro, siya na ba ang nakaguhit sa aking mga palad na makakasama ko habambuhay? Kapag kami ang nagsama, magiging maligaya at maunlad ba ang itatayo naming pamilya? Gayundin, compatible ba kami at dapat ko na ba siyang sagutin para may kilalanin nang ama ang anak ko at para makabuo na rin kami masayang pamilya?
KASAGUTAN
Sinasabing kapag hindi mo sinubukan ang isang bagay, hindi mo malalaman kung ano ang magiging resulta nito, partikular kung ito ba ay makakasama o makabubuti sa iyong kapalaran.
Gayunman, ang mahirap sa subok nang subok, sa bandang huli, kung sadyang pangit o negatibo ang kapalaran, parang nangongolekta ka lang ng kabiguan o “broken relationship” hanggang ito ay dumami. At sa bandang huli, sasabihin mo sa iyong sarili na, “Walang kuwenta ang mga lalaki, puro manloloko, pangako at magaling lang sa simula, pero sa huli ay iiwan ka rin pala!”
“Hindi na ngayon!” Ito ang nais sabihin ng ikalawang mas malinaw at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mon palad. Ito ay nagpapahiwatig na sa susunod na pakikipagrelasyon, hatid ng lalaking malaki ang agwat ng inyong edad o mid-30s, habang ikaw naman ay 24 pataas, sa panahong ito ng tag-araw at pamumulaklak ng mga punong-kahoy sa kaparangan, muli kang makakaranas ng kakaiba at mas masarap na suyuan, na hahantong sa matimyas at panghabambuhay na pagmamahalan.
MGA DAPAT GAWIN
Kapag summer at mahilig kang mag-obserba, habang nasa biyahe sa expressway at nakadungaw sa bintana, kitang-kita mo sa gilid ng highway ang mga punong-kahoy na hitik ng sari-sari at nakatutuwang iba’t ibang kulay ng mga bulalak. Sa Pilipinas, ito ay nagpapahiwatig ng Summer season at usong-uso na naman ang mga prutas, lalo na ng manggang hilaw na napakasarap isawsaw sa maanghang na bagoong na niluto ng aking Inang Talia.
Sa Japan at sa iba pang karatig-bansa ng Pilipinas, ang mga cherry blossom na may iba’t ibang kulay ay nagiging tourist attraction, kung saan nagbabadya ng papalapit na spring time o tagsibol. Masaya na naman ang mga tao sa iba’t ibang lugar at sa lilim ng puno ng sakura, kani-kanyang selfie at post, na naka-upload agad sa kanilang social media account.
Ganundin ang nakatakdang maganap sa iyong kapalaran, Maybelyn, sa panahong ito ng tagsibol, unti-unting mamumulaklak ang iyong karanasan at mahihitik ng nakakakilig na ugnayan sa kasalukuyan mong manliligaw. Ito ay hahantong sa masaya at panghabambuhay na pagpapamilya, hatid ng lalaking nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius.
Comments