top of page
Search
BULGAR

220,000 violators noong MECQ, ‘di na nakakagulat

ni Ryan Sison - @Boses | September 08, 2021



Mahigpit man o hindi ang umiiral na quarantine restrictions, libu-libong kababayan pa rin natin ang patuloy na lumalabag sa protocols. Ilan sa mga karaniwang nalalabag ay ang curfew at non-essential travel.


Kaugnay nito, inulat ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa higit 220,000 katao ang nasita dahil sa iba’t ibang paglabag sa minimum health protocols mula nang pairalin ang modified enhanced community quarantine (MECQ) noong Agosto 21 hanggang Setyembre 6 ang Metro Manila.


Base sa datos ng PNP at kabuuang bilang, 149,110 ang nabigyan ng warning, pinagmulta at inaresto. Ibig sabihin, nasa 8,718 kada araw ang nasisitang mga lumalabag sa minimum health protocols kung saan pinakamaraming nasita sa paglabag sa curfew sa bilang na 53,383 o 3,493 kada araw.


Sa mga nasita naman sa non-essential travels, 759 kada araw ang naitala para sa kabuuang bilang na 12,906. Habang sa mga lalawigan ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal, kabuuang 572,023 at 134,407 sa curfew violation.


‘Ika nga, hindi na bago ang pagpapasaway ng mga ‘Pinoy kaya kung tutuusin, hindi na nakagugulat kung ganito karami ang naitalang lumabag sa loob ng higit dalawang linggong MECQ sa Metro Manila.


At ngayong nasa mas maluwag tayong restriction, ano nga ba ang dapat nating asahan, mas maraming maitatalang pasaway o dapat tayong magkusa na sumunod sa mga protocols?


Bukod sa patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases, hindi maitatangging problema rin ang mga pasaway nating kababayan.


Bagama’t hindi natin nilalahat, ‘yung iba ay talagang no choice kundi lumabag dahil kailangang kumayod, pero mayroon talagang sadyang pasaway lang. Tipong, parang hindi alam ang mga kailangang sundin at dedma talaga sa virus.


Kaya kahit paulit-ulit ang mga paalala at babala, hangad nating ‘wag nang madagdagan pa ang mga naitatalang violators.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page