ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Feb. 10, 2025
ISSUE #344
Ang pagbibigay ng legal na remedyo at pagkakaroon nang maayos at maagap na proseso ay napakahalaga sa pagbibigay ng hustisya.
Ito ay sa kadahilanan na ang walang basehan o sapat na dahilan na pagkakaantala ng legal na proseso, kabilang na ang pagbibigay ng legal na serbisyo ay katumbas na rin ng pagkakait ng katarungan kapwa sa nagrereklamo at sa akusado.
‘Ika nga ng isa sa mga batikang pilosopong pampulitika at pinuno ng karapatang sibil na si Martin Luther King Jr., “Justice delayed is justice denied.”
Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito, ang People of the Philippines vs. Alberto Desacada y Garces (CA-G.R. CR No. 47796, October 28, 2024), sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Jaime Fortunato A. Caringal, ay halimbawa ng kahulugan ng legal na katagang iyon.
Sa kasong ito, nakamit man ng inakusahan ang hustisya na para sa kanya, dahil ang kasong kriminal ay nilitis nang napakatagal na panahon, ang biktima ay walang napala, sapagkat sa batas, ang krimen na diumano ay ginawa ng inakusahan ay paso na.
Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng nakakalungkot na kasong ito.
Naharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide si Alberto dahil umano sa pagkakabundol ng dyip na kanyang minamaneho sa biktima na kinilalang si Cipriano.
Naihain ang reklamo laban sa kanya sa 2nd Municipal Circuit Trial Court (MCTC) ng Silang-Amadeo, Cavite. “Not guilty” ang kanyang naging pagsamo sa hukuman noong ika-19 ng Setyembre 2002.
Noong ika-25 ng Hunyo 2006 ay nag-inhibit ang orihinal na Presiding Judge ng MCTC, sapagkat nakatira umano si Alberto malapit sa tirahan ng nasabing hukom.
Ika-8 ng Setyembre 2006, inilipat ang naturang kaso sa Municipal Trial Court in Cities (MTCC), Tagaytay City.
Nang sisimulan na umano ang pagdinig sa nasabing kaso ay napuna ng MTCC na sa huling bahagi ng reklamo ay merong alegasyon ng pang-aabandona sa biktima.
Kung makagayun diumano, ang maaaring ipataw na parusa sa akusado ay prision mayor sa minimum at medium periods at ang hukuman na merong jurisdiction sa kaso ay ang Regional Trial Court (RTC).
Ipinag-utos ng MTCC ang pagsusumite ng position papers sa magkabilang panig. Iginiit ni Alberto na kung ibabasura ang kaso at irerekomenda ang paghahain ng panibagong kaso laban sa kanya sa RTC ay malalagay siya sa double jeopardy, sapagkat siya ay na-arraign na.
Giit naman ng panig ng tagausig, angkop lamang na ibasura ng MTCC ang kaso dahil magkaiba umano ang reckless imprudence resulting in homicide sa reckless imprudence resulting in homicide with the qualifying circumstance of abandonment of the victim, sapagkat higit na mataas diumano ang parusa sa huli. Kung kaya’t hindi umano malalagay sa double jeopardy ang akusado.
Noong ika-8 ng Agosto 2007, idineklara ng MTCC na wala umano itong jurisdiction upang dinggin ang nasabing kaso. Ipinag-utos ng naturang hukuman ang paglipat ng tala ng kaso sa RTC.
Noong Ika-8 ng Oktubre 2010 ay na-arraign si Alberto sa RTC, subalit “not guilty” pa rin ang kanyang pagsamo.
Batay sa bersyon ng tagausig, minamaneho diumano ni Alberto ang kanyang pampasaherong dyip, bandang alas-2:30 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 sa kahabaan ng J.P. Rizal St., Barangay Tubuan, Silang, Cavite.
Nangahas diumano na mag-overtake si Alberto sa tricycle na nasa unahan niya, subalit sa kasamaang palad ay nabundol ng nasabing dyip si Cipriano na noon ay nagbibisikleta sa kabilang bahagi ng kalsada.
Nasaksihan diumano ni Esperidion ang aksidente. Merong 30 metro pa umano ang binaybay ni Alberto bago inihinto nito ang minamaneho na dyip. Bumaba umano ng dyip si Alberto at ang kanyang kasama ngunit agad din silang umalis nang magkumpulan na ang mga tao.
Nilapitan diumano ni Esperidion si Cipriano at nakita niyang hindi na gumagalaw ang nabundol na biktima. Bagaman nadala pa ng ospital si Cipriano, agad din naman itong binawian ng buhay.
Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Alberto. Diumano, bandang ala-1:00 ng hapon, noong ika-30 ng Hunyo 2001 ay bumiyahe sila ng kanyang tiyuhin, isang nagngangalang Isagani at apo nito upang magdala sa bypass ng mga scrap na papel.
Sila ay lulan ng dyip na minaneho ni Alberto. Wala umano silang naengkuwentro na anumang aksidente. Diumano, bandang alas-2:30 hanggang alas-3:00 ng hapon nu’ng araw na iyon ay meron na lamang nagpunta sa bahay ni Alberto na tatlong pulis na inimbitahan siya na magpunta sa kanilang himpilan dahil siya umano ay sangkot sa isang aksidente.
Nagpunta umano ng himpilan si Alberto lulan ng kanyang dyip. Sa himpilan ay pilit umanong paaminin si Alberto, subalit mariin niyang itinanggi ang alegasyon laban sa kanya.
Ininspeksyon diumano ang kanyang dyip at wala umanong nakita ang mga pulis na anumang bahid ng aksidente. Kinuha umano sa kanya ng mga pulis ang kanyang lisensiya at ibinalik lamang ito sa kanya kinabukasan.
Noong ika-25 ng Agosto 2022, nagbaba ng hatol ang RTC na guilty beyond reasonable doubt si Alberto para sa krimen na reckless imprudence resulting in homicide. Parusa na pagkakakulong ng apat na taon at dalawang buwan na prision correccional maximum, bilang minimum ng kanyang sentensya, hanggang 8 taon at isang araw na prision mayor medium, bilang maximum. Ipinag-utos din ng RTC ang kanyang pagbabayad-pinsala at danyos.
Agad na naghain si Alberto ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA), Manila. Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan D.S. Cansino, isinulong ng Depensa na mapawalang-sala si Alberto.
Iginiit ng depensa na lubos na mali ang ipinalabas na hatol ng RTC, sapagkat paso na ang krimen na ibinintang laban kay Alberto. Himok ng depensa, nang ideklara ng MTCC na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto ay dapat ibinasura nito ang kaso at naghain ang agrabyadong partido ng kaukulang kaso sa tamang hukuman.
Hindi umano ito ang nangyari sa kaso ni Alberto. Bagkus, ipinag-utos ng MTCC na ilipat ang tala ng kaso ni Alberto sa RTC. Taliwas diumano ang kautusang iyon ng MTCC sa posisyon nito na wala itong jurisdiction.
Giit din ng depensa, nang ipalabas ng MTCC ang kautusan na wala itong jurisdiction sa kaso ni Alberto, katumbas na umano ito sa pagbabasura sa naturang kaso nang walang hatol na conviction o acquittal sa inakusahan at na kung saan ang prescriptive period ng krimen ay muling tumakbo.
Sapagkat wala umanong naihain na panibagong kaso laban kay Alberto sa loob ng 15 taon, ang prescriptive period para sa mga krimen na merong parusa na afflictive penalties tulad ng prision mayor, wala na umanong karapatan ang Estado na usigin pa si Alberto. Samakatuwid, ang kriminal na pananagutan ni Alberto ay napaso na.
Nilabag din umano ang karapatan ni Alberto para sa speedy trial, sapagkat higit na sa 17 taon ang lumipas mula nang maihain ang reklamo laban sa kanya hanggang sa ipag-utos ng RTC ang pag-revive sa kanyang kaso noong ika-22 ng Nobyembre 2017.
Kung kaya’t karapat-dapat lamang diumano na ibasura ang kaso at siya ay ipawalang-sala. Maliban pa umano sa mga nabanggit, hindi rin napatunayan ng tagausig ang pagkakasala ni Alberto nang higit pa sa makatwirang pagdududa.
Sa muling pag-aaral sa kaso ni Alberto, nakakitaan ng merito ng CA, Manila ang kanyang
apela.
Binigyang-diin ng appellate court na ang jurisdiction ng hukuman sa krimen ay ipinagkaloob lamang ng batas at sa paraan na itinakda ng batas, hindi ng mga partido
sa krimen.
Ang jurisdiction din ng hukuman ay diniditermina ng mga alegasyon sa reklamo o paratang at hindi sa kalalabasan ng katibayan.
Naging kapuna-puna umano sa CA, Manila na imbes na ibinasura ng MTCC ang kaso ni Alberto dahil sa kawalan nito ng jurisdiction upang dinggin ang kaso ay ipinag-utos nito na ilipat ang tala ng naturang kaso sa RTC.
Para sa hukuman ng mga apela, mali umano ang naging hakbang na ito ng MTCC. Kanilang ipinaalala na ang kapangyarihan lamang ng hukuman sa oras na mapag-alaman nito na wala itong jurisdiction ay ang i-dismiss o ibasura ang kaso. Wala nang iba pang maaaring gawing hakbang ang naturang hukuman, at ang anumang iba pang hakbang na gagawin nito ay walang legal na epekto bunsod ng kawalan nito ng jurisdiction.
Higit pa rito, ipinaliwanag ng CA, Manila, hindi umano nalunasan ang jurisdictional defect sa ginawang paglilipat ng tala ng kaso sa RTC. Dahil din diumano sa naturang paglilipat ng tala ay nawalan ng pagkakataon ang akusado na kuwestyunin o iapela sa mas mataas na hukuman ang desisyon ng MTCC kaugnay sa pagdedeklara nito ng kawalan ng jurisdiction sa kaso.
Nawalan din umano ang tagausig ng pagkakataon na ituwid ang naging pagkakamali nito sa pamamagitan ng paghahain ng panibagong paratang sa angkop na hukuman.
Ang mga legal na hakbangin na nabanggit ay malinaw diumano na iginiit ng parehong partido sa kanilang position papers na isinumite sa MTCC. Magkagayunpaman, lumabis diumano ang MTCC sa limitadong otoridad nito sa ginawa nitong pag-utos na paglilipat ng tala, na nagdulot ng kapinsalaan sa parehong partido sa kasong ito. Dahil dito, ang reklamo laban sa inakusahan na si Alberto na unang naihain sa MTCC ay marapat na ibasura sa kawalan ng hurisdiksyon ng nasabing mababang hukuman.
Deklara pa ng CA, Manila na ang pagbabasura sa kaso ni Alberto ay katumbas ng pagpapawalang-sala sa kanya, pinagbabatayan ang pagkakalabag sa kanyang karapatan para sa speedy trial.
Ipinaalala ng hukuman ng mga apela na ang naturang karapatan ay ginagarantiyahan ng mismong ating Saligang Batas, partikular na sa ilalim ng Section 14 (2), Article III ng ating 1987 Constitution.
Ang kaso ni Alberto ay tumagal diumano ng 21 taon mula nang maihain ito hanggang
sa lumabas ang paghahatol ng RTC. Maliban pa umano sa inhibition ng MCTC Presiding Judge at sa paglilipat ng tala ng kaso mula sa MTCC papuntang RTC, marapat lamang ibasura ang kaso ni Alberto bunsod ng mga sumusunod na dahilan – una, dahil sa tagal ng pagkaantala sa kanyang arraignment. Na-arraign lamang diumano si Alberto makalipas ang higit sa tatlong taon mula nang matanggap ng RTC ang tala ng kaso. Wala umanong naging pagpapaliwanag ang RTC sa naturang labis na pagkaantala sa arraignment. Kung tutuusin diumano, matagal na ang sampung minuto sa oras ng hukuman upang ma-arraign ang isang akusado at hindi umano ito nangangailangan nang mabusisi na legal na proseso.
Ang masinop at determinado na huwes ay magsasagawa umano ng arraignment sa lalong madaling panahon sa oras na ipinrisinta na ng akusado ang kanyang sarili sa hukuman. Bagay na hindi umano nangyari sa kaso ni Alberto.
Ikalawa, nagwakas lamang ang pre-trial matapos ang halos tatlong taon mula sa arraignment ni Alberto. Ang paunang pagpiprisinta naman ng ebidensiya ng tagausig ay naganap at natapos lamang higit limang taon mula nang magwakas ang pre-trial.
Napuna ng hukuman ng mga apela na ang paulit-ulit na sanhi ng pagkaantala ay ang kabiguan ng pagdalo sa pagdinig ng mga saksi ng tagausig, maging ang akusado, sa kadahilanan na hindi naipaalam sa kanila ang pagdinig.
Kung kaya’t noong ika-28 ng Oktubre 2024, nagpalabas ng desisyon ang CA, Manila na ipinawalang-bisa at isinantabi ang ibinabang paghuhukom ng RTC at ibinasura ang kasong kriminal laban kay Alberto. Ganunpaman, hindi umano ito nangangahulugan ng kawalan ng sibil na pananagutan ni Alberto, sakali man na naisin na isulong iyon ng mga naulila ni Cipriano at kalaunan ay kanilang mapatunayan.
Nakakalungkot na 21 taon ang ginugol ni Alberto sa kaso na inihain laban sa kanya. Mga taon na sana ay inilaan na lamang niya sa mga mahal sa buhay at pamilya. Nanalo man siya sa kasong ito, napakahabang panahon pa rin ang lumipas at nasayang na hindi na kailanman maibabalik pa.
Gayunpaman, nakapanlulumo para sa mga naulila ng biktima na si Cipriano. ‘Di sana ay matagal na nilang naisulong ang kasong sibil at kung napatunayan nila ang sibil na pananagutan ni Alberto ay napakinabangan na sana nila ang bayad-pinsala at danyos na igagawad ng hukuman sa kanila.
Marahil marami na rin silang pinagdaanang dagok at hirap sa pagsusulong sa napakatagal na kasong ito, dahil na rin sa pagnanais na maihatid ang hustisya sa mahal nilang si Cipriano.
Nawa ay wala nang susunod na Alberto at Cipriano na masasabing kapwa naging biktima sa nangyaring mabagal na sistema. Patuloy ang pagtutok ng ating Korte Suprema upang masiguro na maihatid ang maagap at angkop na hustisya.
Comments