ni Lolet Abania | June 18, 2021
Aabot sa 21 mamahaling sasakyan ang sinira ng Bureau of Customs (BOC), kabilang na ang isang McLaren 620R na nagkakahalaga ng P33 million sa Port Area, Manila at Cagayan de Oro Port ngayong Biyernes.
Ayon sa mga opisyal ng BOC, ininspeksiyon nilang mabuti ang mga sasakyan bago nila ito winasak sa headquarters ng ahensiya. Nasa pitong mga luxury cars sa Port Area, habang may 14 na gamit nang Mitsubishi Jeeps naman sa Cagayan de Oro Port ang magkasabay na winasak ng BOC dahil sa misdeclaration at hindi pagbabayad ng tamang buwis.
Sa report, hindi umano idineklara sa mga dokumento ang totoong brand ng mga kotse at kung saan ito gawa. Gayundin, dahil ‘misdeclared’ ang mga luxury cars, P3 milyon lamang ang buwis na babayaran sana ng mga importer sa halip na P35 hanggang P40 milyon dapat.
Ayon kay Vincent Maronilla, spokesperson ng BOC, mula sa mga winasak na mamahaling sasakyan, nadiskubre nila ang ganitong paraan ng pagpasok nito sa bansa matapos ang ginawang X-ray inspection.
Aniya, hindi umano tumutugma ang mga deskripsiyon sa papeles at sa mga detalye na lumalabas sa X-ray visual ng mga sasakyan. Sa ngayon, wala pang tugon mula sa mga importers para linawin ang kanilang mga papeles habang hindi pa rin nakikipag-ugnayan ang mga ito sa BOC.
Comentários