ni Lolet Abania | January 14, 2021
Tinatayang 20,000 tropa ang itatalaga ng National Guard sa Enero 20 sa Washington para sa nakatakdang panunumpa ni President-elect Joe Biden ng United States.
Ito ang inanunsiyo ni acting Police Chief Robert Contee isang linggo matapos ang libong supporters ni dating Presidente Donald Trump ay magsagawa ng marahas na kilos-protesta sa Congress sa pagnanais nilang mapigilan ang election victory ni Democrat Biden kung saan isang police officer at apat na protesters ang namatay.
Matatandaang 8,000 National Guard troops ang itinalaga para sa 2016 inauguration ni Trump, ayon sa report noon ng Reuters.
Habang ang House of Representatives ay nagdedebate sa pormal na pagsasampa ng kaso ng "incitement of insurrection," nanawagan si Trump at ang Republican National Committee sa publiko at sa lahat na dapat nang tapusin ang karahasan bago ang inagurasyon ni Biden.
Sa isang White House statement, sinabi ni Trump, "In light of reports of more demonstrations, I urge that there must be NO violence, NO lawbreaking and NO vandalism of any kind. That is not what I stand for, and it is not what America stands for. I call on ALL Americans to help ease tensions and calm tempers."
Kinansela na ng Airbnb at ang subsidiary nitong HotelTonight ang lahat ng reservations ng kanilang hotel at house-sharing sa Greater Washington para sa darating na inauguration week.
Ang mga kalsada malapit sa Capitol na pinasok ng mga violent protesters noong January 6 ay isinara na. Ipinasara rin ng National Park Service ang Washington Monument para sa mga nagtu-tour habang si Mayor Muriel Bowser ay nakiusap sa mga visitors na huwag munang pumunta sa lugar.
Ang mga darating na tropa ng militar ang inatasang mag-secure sa lugar bago ang inagurasyon ni Biden, kung saan naglagay din ng mga barikada sa paligid ng Capitol.
Ayon pa sa dalawang opisyal, magkatuwang ang National Guard at Capitol Police officers sa pagpapatupad ng batas sakaling may magtatangkang lumabag dito.
Comments