ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 20, 2024
Nakilahok ang higit sa 20,000 deboto sa prusisyon ng "Lakbayaw" o kapistahan ng Sto. Niño de Tondo, ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD) sa ganap na alas-10 ng umaga ngayong Sabado.
Sinabi ng pulisya na inaasahan na tataas pa ang bilang ng mga dumalo sa buong araw.
Kasama si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa pagbubukas ng prusisyon, kung saan dinala ang imahe ng Sto. Niño de Tondo mula sa Archdiocesan Shrine of Santo Niño de Tondo, o kilala rin bilang Tondo Church.
Isinayaw at itinaas ng mga deboto ang kanilang mga imahe ng Santo Niño sa kasagsagan ng prusisyon habang umaawit ng "Viva Sto. Niño."
Ayon sa MPD, nag-deploy ito ng 700 personnel upang bantayan ang lugar at tiyakin ang kaligtasan ng mga dumalo sa kaganapan.
Dagdag pa nito, wala pang iniulat na hindi magandang pangyayari hanggang sa ngayon.
תגובות