ni Mary Gutierrez Almirañez | March 27, 2021
Umapela si Mayor Jonathan Calderon upang ilagay sa mas mahigpit na lockdown ang bayan ng Roxas, Isabela na kasalukuyang nasa state of calamity matapos makapagtala ng 206 na kumpirmadong kaso ng COVID-19, batay sa naging panayam sa alkalde kaninang umaga, Marso 27.
Aniya, “Inaapela na po namin ito kung puwedeng maitaas ang kategorya ng quarantine status ng ating munisipalidad. Kailangan ito ng provincial at regional IATF para po sa concurrence.”
Sa ngayon ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) ang munisipalidad at nagdeklara sila ng state of calamity, kung saan 5 sa pribadong ospital, 20 clinics at isang district hospital ay napuno na ng mga pasyenteng may virus.
Paliwanag ng alkalde, “Alam natin na meron tayong pondo na hindi basta-basta puwedeng gamitin.
Sa katunayan, sa lokal na pamahalaan ng Roxas, meron lang po kaming maliit na pondo na maaaring hindi sapat ‘yung aming in-allot para sa COVID.”
Dagdag pa niya, “Ang aming bayan o public market ay hindi lamang kine-cater itong bayan ng Roxas kundi as many as 8 municipalities ang aming sine-serve dito at merong mga probinsiya gaya ng Kalinga, Mountain Province at part of Ifugao na bumababa sa aming bayan.”
Sa huling tala ay mahigit 71 ang nadagdag na nagpositibo sa virus, habang 21 ang gumaling at 2 ang pumanaw. Umaasa si Mayor Calderon na mare-reclassify ang kanilang lockdown status upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang lugar.
Comments