ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Dec. 29, 2024
Katatapos lang ng nobenaryo ng Misa de Gallo. Muling nabuo ng maraming parokyano ang kilalang nobenaryo ng misa sa madaling-araw bilang paghahanda sa Pasko o pagsilang ng Panginoon.
Ang naging tema ng buong nobenaryo ay “Balik-Likas, Balik-Pag-Asa.” Pinagnilayan naming lahat ang ilang mahahalagang sangkap ng buhay na likas, likas na buhay bilang pagtugon sa hamon na labanan ang paglaganap ng artipisyal o plastik na pamumuhay na nagiging tatak ng kasalukuyang panahon. Ano ang kabaliktaran o alternatibo sa artipisyal o plastik na pamumuhay? Ito ang buhay na may lalim, malay, pagsunod sa malinaw na hirarkiya ng buti (hierarchy of values), paninindigan at direksyon. Isang matibay na killing o angkla ng buhay na may lalim at malay ay ang pagkilala, pagmamahal at pagtatanggol sa kalikasan.
Kaya’t ito ang ating ginawa araw-araw kasama ang lahat ng mga dumalo sa misa ng ika-4 ng umaga sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8. Pinagtambal natin ang mahahalagang natural na sangkap ng buhay at ang mga bahagi ng katawan (parts and organs of the body). Unti-unti nating pinamalay sa lahat ang hindi sinasadya ngunit nagiging negatibong pag-uugali natin sa pang-araw-araw na buhay.
Una, pinababayaan at binabalewala natin ang malinis na hangin na kailangan ng ating mga baga upang mabuhay tayong lahat ng malusog at mahaba. Sagipin ang hangin at ibalik ang kanyang likas na kalinisan. Gamitin ng maayos ang baga at huminga ng mabagal at malalim.
Pangalawa, hinahayaan nating lumaganap ang marumi at nakakalasong pagkaing puno ng artipisyal, labis na asin, asukal, taba at kung anu-anong nakakasira sa kalusugan. Bumalik sa likas at simpleng pagkain, gulay at isda, pagkain ng ating mga ninunong magsasaka’t mangingisda. Huwag gawing basurahan at sementeryo ang bibig. Kumain lamang ng pagkaing buhay at bumubuhay.
Pangatlo, likas na kilos, mga paa na lumalakad o tumatakbo. Gamitin nang gamitin ang mga paa. Maganda ring magbisikleta. Iwasan ang sasakyan at labis na pag-upo sa likod ng manibela. Magpawis sa paggamit ng paa sa ehersisyo man o paggawa dahil nilikha tayong may paa. Salamat sa mga paa na saan man, anumang layo nila tayong dinadala. Ito ang ating mga paa, sadyang “paag-paa-paa-la” mula sa Panginoong mapagmahal.
Pang-apat, salamat sa mga kamay na gumagawa araw at gabi, mga kamay na nagtatanggol at kumakalinga, mga kamay ng buhay at hanapbuhay. Kamay ng manggagawa, ng magulang at kaibigan, kamay na tagapagtanggol din sa kaaway ay siya ring kumakalinga’t nagmamahal. Gamitin lagi sa mabuti ang kamay at huwag kalimutang pagdaupin ang mga ito sa tuwina sa pananalangi’t pasasalamat sa Kanyang pinagmulan ng lahat-lahat.
Panglima, habang gumagawa o lumilikha, pagsabayin ang kamay na masipag at matang mapaglikha ng ganda at kagalakan. Ito ang mga matang mapaglikha at gabay ng mga kamay na masisipag. Huwag basta gumawa, hindi basta masipag, galing at ganda balutin ang bawat gawa sa paggabay ng mga matang buhay at ganda ang laging hanap.
Pang-anim, sa panahon ng makina at gadget, nabura at nawala na ang mga magaganda’t nangungusap na mga mukha. Pumalit na ang “monitor” sa mukha. Bihira na ang mukha sa mukha o face to face noong lockdown. Uso na ang mobile to mobile, gadget sa gadget, halos wala na at napalitan na ang tunay na mukha sa tunay na mukha. Hayagan, malinis, malalim at tunay na ugnayang mukha sa mukha, puso sa puso, kaluluwa sa kaluluwa. Kaya ba ito ng gadget? Kaya ba ito ng AI? Nasa atin ito kung ipagkakanulo natin sa makina at gadget ang tunay nating mga mukha, puso at kaluluwa.
Pangpito, bingi na ang karamihan. Kung anu-anong nakapasak, nakabara sa taingang pisikal pati ang tainga ng isip, puso at kaluluwa. Tainga ang buong katawang nais lumapit at yumakap sa katotohanan. Kasinungalingan ang pagkain ng mata at tainga. Fake news ang pag-araw-araw nating pagkain. Ngunit, puwede namang pumili ng tugtugin at usapin. Mukha sa mukha, tainga sa tainga, tao sa tao, diwa sa diwa, kaluluwa sa kaluluwa.
Pangwalo, dalangin ang buhay, buhay ay dalangin. Pusong marunong magmahal, pusong nagdarasal. Pusong walang galit at poot. Pusong puno ng pag-ibig at pananalig. Pusong laman ay hindi pusong bato. Mahalin ang Diyos, mahalin ang tao, ingatan at mahalin ang puso.
Pangsiyam, mula sa puso, sisirin at arukin ang lalim ng loob. Tuklasin ang espiritu sa kaluluwang bukas at wagas na hinahanap at sinusunod ang Maykapal.
Natapos ang siyam na umaga’t gabi ng Simbang Gabi. Napakagandang tradisyon at lahi ng mga Pilipino ng bansang Pilipinas. Araw-araw babalik sa likas, babalik sa pag-asa. Babalik sa likas na buhay mula sa Diyos ng tao at tanang kalikasan. 2025 taon ng Jubileo, taon ng pag-asa, taon ng puspusang pagbalik sa kalikasang bukal ng biyaya’t pag-asa. Amen!
Comments