top of page
Search
BULGAR

2024 Budget, pag-aaralang mabuti para sa mga programa ng gobyerno

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | August 19, 2023


Nitong mga huling araw, sinimulan na ng Senado ang deliberasyon sa panukalang P5.768 trillion national budget para sa taong 2024. Pinasimulan ito sa pamamagitan ng briefing ng Development Budget Coordination Committee o DBCC kung saan ipinaliwanag nila ang mahahalagang punto ng proposed budget.


Base sa batas, mauuna ang Mababang Kapulungan sa pagdinig sa panukalang national budget.


Pero para lamang mas mapabilis ang nakatakdang pagdinig ng Senado ukol dito, pinasisimulan na rin natin ang hearings ng National Expenditure Program (NEP) sa pangunguna ng ating komite, ang Committee on Finance.


Mula nang maupo tayong chairman ng Finance Committee ng Senado, ito na ang panlima nating budget measure na pangungunahan natin. Sa totoo lang, napakabigat ng usaping ito. Sino ba naman ang magsasabing madali? Limitado ang pondo na dapat mapagkasya natin sa napakaraming mahahalagang programa ng gobyerno.


Napakahirap, lalo pa’t bumabangon pa lang ang ekonomiya natin sa dagok ng pandemyang dulot ng COVID-19.


Ang nakikita nating nagpapalakas sa 2024 proposed budget ay ang pagkaka-focus nito sa mga darating na panahon na naaayon sa Medium Term Fiscal Framework. ‘Yan din naman ang sinabi ni Pangulong BBM sa kanyang nakalipas na SONA, na ayon sa Department of Finance ay magsisilbing ‘blueprint’ o plano ng gobyerno sa muling pagpapalusog sa ekonomiya ng bansa na titiyak sa tuluy-tuloy na pagbangon nito.


Matatandaan na kabilang sa mga prayoridad ng gobyerno para sa susunod na taon ang food security – seguridad sa pagkain. Siguro naman, batid nating lahat kung paano pinasasakit ng pagsirit ng presyo ng iba’t ibang pangangailangan tulad ng pagkain ang mga ulo natin. Pati presyo ng gulay, karne, isda, nagtataasan nitong mga huling araw.


Ano nga ba ang dahilan?


Pinagpatung-patong na problema tulad ng low production, high transport costs at siyempre – ang palaging pagdating ng bagyo. ‘Di nga ba, dalawang bagyo ang sumalakay sa atin nitong nakaraan lang? Malawakang baha ang inabot ng napakaraming lugar sa bansa, lalo na sa mga probinsya.


Dahil d’yan, inabot ng kamalasan ang agrikultura, lalo na sa Central Luzon at iba pang mga lugar.


Partida pa, El Niño tayo ngayon, na akala natin ay magiging dahilan ng matinding tagtuyot sa bansa sa mga darating na buwan.


Sa ilalim ng bagong 2024 national budget, isa ito sa tututukan, gayundin ang mga programang susuporta sa ating mga magsasaka at mangingisda. Kasama sa susuportahan ang programang tutulong kung paanong mapatataas ang kanilang produksyon na magiging paraan din upang maging panatag ang dami ng suplay, gayundin ang presyo ng mga bilihin.


Isa rin sa mga prayoridad ng 2024 national budget ang pagpapababa sa transport and logistics cost sa pamamagitan ng iba’t ibang proyektong pang-imprastraktura na kabilang sa proyektong Build Better More ng kasalukuyang administrasyon. Malaking halaga naman ang nais ilaan ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng kanilang Rail Transport, Land Public Transport, Aviation Infrastructure, and Maritime Infrastructure Programs. Karamihan sa mga proyekto, posibleng hindi naman agad matatapos, pero ang mahalaga, may nakalaan nang pondo para sa mga ito, at posibleng kakayaning abutin sa target dates.


At isa pang magandang nilalaman ng proposed 2024 budget, tuluy-tuloy na popondohan ang pagpapalakas sa ating health system. Kabilang dito, ang health facilities enhancement program at ang pagpapalakas sa operasyon ng mga DOH-run hospitals. Pangatlo ang health sector sa pinaglaanan ng malaking budget sa ilalim ng 2024 proposed budget, na pinangunahan ng education at public works. Kailangang-kailangang palakasin na talaga natin ang health system natin upang hindi na mangyari noon na para tayong ginulantang ng pandemic ng COVID-19 dahil hindi talaga tayo nakahanda nang mga panahong ‘yun. Pero ngayon, natuto na tayo.


Tututukan din ng 2024 budget ang digital economy, kung saan, matatandaan na nagpanukala ang administrasyong Marcos ng 60 percent increase sa mga pondong ilalaan sa ICT at digitalization.


Kasama sa programa ang improvement ng internet, na problema natin ang kabagalan, sa pamamagitan ng National Broadband Plan, ang National Government Data Center Infrastructure at ang National Government Portal.


Sa promosyon ng sustainability sa ilalim pa rin ng bagong national budget, kasama ang mga programang magsusulong sa flood control, water sufficiency, coastal and marine resources management, gayundin ang pangangalaga sa ating mga kagubatan. At para masiguro rin ang kaligtasan ng mga komunidad, sisiguruhin ng gobyerno na lahat ng mga residente ay may sapat na suplay ng malinis na tubig.


Alinsunod naman sa itinutulak nating Tatak Pinoy o Proudly Pinoy advocacy, isinasaad pa rin sa proposed budget ang pagpopondo sa mga programang magpapalakas sa research and development (R&D) and innovation. Kabilang d’yan ang patuloy na pagsuporta sa Innovation Fund, R&D sa ating state universities and colleges, ang Small Enterprises Technology Upgrading at ang Science for Change Programs sa ilalim ng Department of Science and Technology.


Sa mga darating na buwan, mangunguna ang ating komite – ang Senate Finance Committee, katuwang ang ating napakagagaling at maaasahang vice chairpersons sa pagdinig sa mga panukalang budget para sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Tulad ng mga ginawa na rin natin noong mga nakaraang taon, tuluy-tuloy ang ating gagawing pagdinig upang matiyak na maaaprubahan ang national budget sa takdang panahon.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page