ni Lolet Abania | November 10, 2022
Muling isususpinde ang tradisyunal na Traslacion sa Enero 2023, kung saan ikatlong magkakasunod na taon ng taunang pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno na kinansela dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa isang interview, sinabi ng Quiapo Church Attached Priest na si Fr. Earl Allyson Valdez na ang lahat ng aktibidad kaugnay sa Pista ay magpapatuloy.
Kabilang dito ang paghawak sa imahe ng Black Nazarene kapalit ito ng “Pahalik,” na gaganapin sa Quirino Grandstand.
“Bagama’t walang tradisyunal na prusisyon, ay ang lahat ng ating nakagawiang aktibidades na may kinalaman sa Kapistahan ng Itim na Nazareno ay matutuloy po,” pahayag ni Fr. Valdez.
Isasagawa rin ang hourly masses sa Quiapo Church simula alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 9, na pangungunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Magkakaroon naman ng mga misa sa iba pang mga simbahan sa Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon para sa mga hindi makakapunta sa selebrasyon sa Quiapo Church.
“Ang aming layunin ay kung hindi makapupunta para sa Traslacion, ay ang Nazareno na mismo ang tutungo sa kani-kanilang lugar at simbahan,” saad ni Fr. Valdez.
Paliwanag ng pari, nagdesisyon ang Quiapo Church na isuspinde uli ang Traslacion upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa Quiapo Church habang nananatili pa rin ang COVID-19.
Aniya pa, kinokonsidera rin nila ang kalusugan at kaligtasan ng mga matatanda at mga indibidwal na may comorbidities na silang mga vulnerable sa COVID-19 na posibleng dumalo sa pagdiriwang.
Ang Traslacion ay prusisyon na dala ang imahe ng Poong Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand pabalik sa Quiapo Church at taunang isinasagawa ito ng Enero 9.
At bilang pagsunod sa health protocols sa Quiapo Church, ayon kay Fr. Valdez ang mga deboto ay pinapayuhan pa ring magsuot ng kanilang face masks sa loob ng simbahan, habang mayroon ding hiwalay na entry at exit points para mapanatili ang physical distancing.
Comentarios