ni Gerard Peter - @Sports | January 2, 2021
Sa pagsisimula ng bagong taon, panibagong yugto ang sisimulan ng Philippine national team sa paghahanda nito para sa pinakamalaki at prestihiyosong kompetisyon na Summer Olympic Games na nakatakdang buksan sa Hulyo sa Tokyo, Japan.
Kasalukuyang mayroon ng siguradong apat na national athletes ang pasok na sa 2021 Tokyo Olympics sa katauhan nina Ernest “EJ”” Obiena ng men’s pole vault, Caloy Yulo ng men’s Rhythmic gymnastics at boxers Eumir Felix Marcial ng men’s middleweight at Irish Magno ng women’s flyweight, habang kinakailangan na lang ng isang huling torneo ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng women’s weightlifting upang tuluyan na itong makapasok sa Olympiad, samantalang napapanatili pa rin ni 4-time Southeast Asian Games judo women’s half-middleweight champion Kiyomi Watanabe ang Continental Quota nito sa Olympic rankings.
Naging matumal ang pagpasok ng mga atleta sa quadrennial meet dahil sa pagkalat ng pandemya sa nagdaang 2020 na nagpatigil sa lahat ng Olympic Qualifying Tournaments sa iba’t ibang panig ng mundo. Umasa si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na aabot pa sa 15 o mahigit pang mga national athletes ang makakakuha ng ticket sa Summer Games.
Ilan sa mga inaasahan pa niyang makatatawid sa Tokyo Olympics ay sina 2019 AIBA Women's World Boxing Champion Nesthy Petecio, Fil-American tracksters Kristina Knott, Eric Cray, karatekas Junaa Tsukii, Jamie Lim at Joanne Orbon, Taekwondo jins Pauline Lopez, Arven Alcantara, Kurt Barbosa at Olympian Kirstie Alora, boxers at Olympians Rogen Ladon at Charly Suarez, SEAG medalists Ian Clark Bautista, at Carlo Paalam, gayundin si 2018 Asian Games gold medalist Margielyn Didal ng skateboarding at mga national swimmers, athletics, cyclists, wrestlers Fencers, rowing at canoe-kayak, at marami pang iba. “If we can get at least 15 athletes marching for us in the Olympics that will be a very good number. I think we have a very good chance to win a medal,” pahayag ni Ramirez.
Pinaghahandaan din ngayong taon ng Pambansang Koponan ang iba pang malalaking kompetisyon tulad ng Paralympic Games, ASEAN Para Games, 31st SEAG, Asian Indoor and Martial Arts Games, Asian Games, Asian Beach Games, at World Games.
Matatandaang malaki ang suportang nakuha ng ahensya ng pampalakasan mula sa Kongreso at Senado para sa pondong ilalaan sa mga naturang kumpetisyon, kung saan naaprobahan ang mahigit sa P900 milyon para sa paglahok sa mga ito, ang pinakamalaking pondong matatanggap ng PSC sapol ng itatag ito nung 1990, na malaking bagay upang palawigin at palakasin ang grassroots program ng ahensya.
Comments