top of page
Search

Iba’t ibang katangian ng mga ama na ‘di basta-bastang nakikita

Fely Pedral-Ng

Buhay, Pag-ibig at Pamilya

Yes, amigo at amiga! Bida ngayong araw ang ating minamahal at iginagalang na haligi ng ating mga tahanan. Siyempre, hindi pahuhuli pagdating sa mga katangian ang ating ama, tatay, tatang, itang, itay, papa, papang, daddy, dada at dad, iba't iba man tawag natin sa kanila, ngunit sa kabuuan ay may iisang pakahulugan. Naniniwala ba kayo sa kasabihang “Madali ang maging ama, pero mahirap magpaka-ama”?

Ang ama ay unang lalaki na nagmahal, sabik kang makita, mayakap at napakaraming plano pagdating sa panahon ng paglaki mo.

Para sa mga anak na lalaki, sila ang best buddy o bestfriend, kasama sa mga laro at gawaing pangmacho o pampapogi, samantalang sa mga anak na babae, sila ‘yung maalaga at malambing, subalit may mga pakikitungo o gawi rin sila na kadalasan ay hindi natin gusto.

Sabi nga nila, “Para ‘yan sa ikabubuti n’yo, mga anak”. Madalas nating hindi nabibigyan ng pagpapahalaga ang kanilang mga nagawa dahil na rin sa nakaugalian at hindi pagpapaliwanag nang maayos. Lahat ng sakripisyo ng ama ay hindi isang “obligasyon o parang hanapbuhay lamang”, pagpapasakit ito na hindi nabibigyang-pansin at tamang respeto para sa minamahal nating magulang. Alamin natin ang ilang katangiang malupit ng ating ama:

1. MAPAGMAHAL. Unang-unang katangian ng mabuting ama ay pagiging mapagmahal. Ang mapagmahal na ama ay mahal ang ina ng kanyang mga anak nang walang reserbasyon. Kung ano ang trato sa asawa, asahang higit pa ang pagmamahal na matatamo ng mga anak.

2. MATIYAGA. Ang matiyagang ama ay hindi lamang paghihintay at hindi pagsuko nang walang ginagawa, kundi isa ring pagtitiis nang may pagsisikap para sa kinabukasan at ikabubuti ng pinakamamahal na mga anak at pamilya.

3. MADISIPLINA. Mahalaga para sa mga anak ang pantay na disiplina at balanse para sa lahat kaya madalas ay istrikto ang tingin sa mga ama. Sila ang palaging nasasabihan na mayroong “tough love” dahil na rin sa hindi matitigatig na desisyon pagdating sa pagdidisiplina.

4. RESPONSABLE. Tinitiyak palagi ng responsableng ama na naibibigay niya ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya, lalong lalo na pagdating sa usaping kinabukasan at edukasyon ng mga anak.

Ilan lamang ‘yan sa katangian nila, subalit punumpuno ng emosyon at dedikasyon. Kaya mga amiga at amigo, suwerteng maituturing na kasama natin ang ating ama, lalo na sa mga ganitong panahon ng pagsubok dahil aalagaan at susuportahan nila tayo sa lahat ng plano at desisyon natin sa buhay.

Mabuhay at maligayang araw sa lahat ng ama!

 

Para sa anumang isyu, opinyon o problema na gus-tong i-share, mag-send sa e-mail na buhay.bulgar@ gmail.com o sumulat sa Buhay, Pag-ibig at Pamilya at ipadala sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page