top of page
Search
Shane Ludovice

Alamin: Hindi makontrol na paggalaw ng mga mata, senyales ng pagkakaroon ng sakit na may kinalaman s

Dear Doc. Shane,

Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa nystagmus? Nabanggit ito ng doktor na tumingin sa akin noong ako ay magpakonsulta pero hindi ko naintindihang mabuti nang ipaliwanang niya ang mga sanhi nito. Hindi naman ako nakabalik sa kanya para magawan ng iba pang test dahil sa lockdown.

– Dennis

Sagot

Ang nystagmus ay tumutukoy sa hindi makontrol na paggalaw ng mga mata. Kung naaapektuhan ng kondisyong ito, mapapansing ang isa o dalawang mata ng pasyente ay mabilis o mabagal ang paggalaw o pagtingin sa iba’t ibang direksiyon.

Maaaring gumalaw ito nang paulit-ulit sa magkabilang gilid, pataas-baba o paikut-ikot. Bukod sa mga ito, mapapansin din na palaging nakatabingi ang ulo ng pasyenteng naaapektuhan ng nasabing kondisyon. Ito ay dahil nakatutulong ang pagtabingi ng ulo upang makita nila ang mga bagay nang mas malinaw.

Ang nystagmus ay may dalawang pangunahing uri at ito ay ang mga sumusunod:

  • Infantile nystagmus syndrome (INS). Ito ay kilala rin sa tawag na congenital nystagmus. Sa uring ito, mayroon nang nystagmus ang tao mula nang siya ay isinilang. Mapapansing ang mga sintomas ng kondisyong ito sa loob ng unang anim na linggo o hanggang umabot ng tatlong buwan ang bata. Hindi naman dapat ikabahala kung may INS ang bata sapagkat ang mga sintomas ay kadalasang hindi malubha. Sa katunayan, ang mga taong may INS ay hindi nangangailangan ng lunas. Subalit, maaaring magkaroon ng kaunting problema sa paningin habang lumalaki.

  • Acquired nystagmus. Sa uring ito, ang tao ay hindi ipinanganak na may INS. Subalit, maaaring magkaroon nito sa kahit anong edad. Maaari itong makuha ng tao kung siya ay may mga neurological disorder o may pinsala ang kanyang mga tainga.

Ano ang sanhi nito?

  • Ang nystagmus ay maaaring mamana. Habang nasa sinapupunan pa lamang, maaaring namana na ng sanggol ang mga problemadong gene ng kanyang magulang. Dahil dito, maaaring isilang ang sanggol na may pinsala o problema ang kanyang inner ear.

  • Pagkakaroon ng mga sakit na may kinalaman sa nerve at utak. Ito ay kalimitang isa sa mga sintomas ng mga neurological disorder o mga sakit na may kinalaman sa mga nerve at utak. Ilan lamang sa mga kondisyon na maaaring magdulot ng nystagmus ay stroke, multiple sclerosis, head injury, tumor sa utak at iba pa.

  • Pagkakaroon ng problema sa tainga. Tandaan, ang inner ear ay isa rin sa mga bahagi na nagkokontrol ng paggalaw ng mga mata. Kung magkapinsala ang tainga o magkaroon ito ng impeksiyon.

  • Pagkakaroon ng ibang sakit sa mga mata. Maaari ring makitaan ng nystagmus ang mga pasyenteng may ibang sakit sa mata tulad ng congenital cataract at astigmatism.

  • Labis na pag-inom ng alak. Ito ay maaari ring magdulot ng nystagmus. Dahil sa alak, ang mga mata ay bumibilis ang paggalaw.

  • Pag-inom ng ilang uri ng mga gamot. May mga gamot na ang side-effect ay ang imboluntaryong paggalaw ng mga mata. Halimbawa nito ay ang mga sedative at anti-seizure medication.

  • Vitamin B12 deficiency. Ang pagkakaroon ng Vitamin B12 deficiency ay maaari ring magdulot nito. Kilala ang Vitamin B12 bilang isang mahalagang bitamina para sa mga mata.

Mga sintomas:

  • Mabilis o mabagal na paggalaw ng isa o dalawang mata

  • Paulit-ulit na paggalaw ng mga mata sa magkabilang gilid, taas at baba o paikut-ikot

  • Pagtabingi o pagkabaling ng ulo

  • Madalas na pagkahilo

  • Pagkakaroon ng problema sa pagbabalanse ng katawan

  • Malabong paningin

Upang matiyak na may nystagmus ang pasyente, maaaring imungkahi ng doktor na sumailalim ang pasyente sa iba’t ibang diagnostic test tulad ng ear exam, neurological exam, brain MRI, brain CT scan at eye movement observation.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page