Dear Doc. Shane,
May problema ang ulo ng aking ari, namamaga ito, namumula at mahapdi lalo na kapag nakakamot o nababangga ko. Wala akong ibang babae bukod sa GF ko at alam ko namang malinis siya kaya nagtataka ako saan ko ito nakuha. Ano ba ang dapat kong gawin upang mawala ito? - Ferdie G.
Sagot
Maaaring ‘yan ay ang tinatawag na balanitis, ito ay isang uri ng impeksiyon na nakaaapekto sa ulo ng ari ng lalaki. Kapag nagkaroon nito, mapapansing mamula-mula ang ulo ng ari na may kasamang pamamaga, pananakit, paghapdi at pangangati.
Ang balanitis ay maaari ring isa sa mga sintomas ng sexually transmitted disease o STD. Ngunit, hindi naman sa lahat ng pagkakataon. Kung ito ay STD, maaaring may iba pang ipinapakitang sintomas ang ari, tulad ng pagkakaroon ng tulo, pagkirot habang umiihi o pagkakaroon ng butlig-butlig.
Ang balanitis ay mayroong tatlong pangunahing mga uri. Kabilang dito ang mga sumusunod:
Zoon’s balanitis. Karaniwang naaapektuhan nito ay ang mga middle-aged at matatandang kalalakihan na hindi pa natutuli.
Circinate balanitis. Ito ay ang pagkakaroon ng impeksiyon sa ulo ng ari dahil sa reactive arthritis. Bukod sa pangkaraniwang pamumula ng ulo ng ari, mapapansin din na tila may “circle” (circinate) o hugis-bilog na mala-singsing ang ari.
Pseudoepitheliomatous, keratotic and micaceous balanitis. Ito ay isang madalang na kondisyon na nakaaapekto sa kalalakihang matanda na nang natulian. Sa uring ito, mapapansing makaliskis ang ulo ng ari at tila may butlig-butlig ito.
Mga sanhi:
Pagkaipon ng mga mikrobyo tulad ng bakterya, virus o fungi sa ulo ng ari
Pagkairita ng balat dahil sa paggamit ng matapang na sabon, pabango, lubricant at iba pa
Hindi wastong paglilinis ng ari
Pagsusuot ng masikip na brief
Pagsasalsal nang madalas
Pagkakaroon ng mga sakit sa balat, tulad ng eczema o psoriasis
Pagkakaroon ng sexually transmitted disease o STD
Mga sintomas:
Pamumula ng ulo ng ari o iba pang mga bahagi nito
Pamamaga ng ari
Pangangati ng ari
Pananakit o panghahapdi ng balat ng ari
Pagsusugat ng ari lalo na kung kinakamot
Pagkakaroon ng mabahong amoy ng ari
Pagkakaroon ng discharge sa balat ng ari
Mga salik sa panganib:
Hindi natulian o pagiging supot. Sa Pilipinas, ang pagtutuli ay bahagi ng kultura. Karaniwang tinutulian ang kalalakihan kapag sumapit na sila ng edad walo hanggang 12. Subalit, kapag ang lalaki ay supot, mas malaki ang posibilidad na magkaroon siya ng balanitis sapagkat naiipunan ang kanyang ari ng mga latak. Dahil dito, maaari itong pamahayan ng mga mikrobyo.
Pagkakaroon ng diabetes. Kung ang lalaki ay may diabetes, mas mataas ang posibilidad niyang magkaroon ng balanitis. Dahil naglalaman ng mataas na dami ng asukal ang kanyang ihi, maaaring maiwan ito sa balat ng kanyang ari at pamahayan ng mga bakterya. Kapag may asukal ang ihi, mas lapitin ito ng mga mikrobyo.
Pakikipagtalik nang walang proteksiyon. Kung ang lalaki ay nakipagtalik sa isang babae nang walang proteksiyon, maaari siyang magkaroon nito lalo na kung ang kapareha ay mayroong STD.
Pagkakaroon ng urinary catheter. Maaari ring magdulot ng balanitis kung ang lalaki ay mayroong nakakabit na urinary catheter. Ito ay isang uri ng manipis na tubo na ipinapasok sa loob ng ari ng mga pasyente na hindi makaihi nang maayos. Dahil ang catheter ay foreign object, maaari itong magdulot ng impeksiyon at pamumula lalo na kung ang pagkakakabit nito ay may katagalan na.
Kung hindi agad malalapatan ng wastong lunas ang impeksiyon sa ulo ng ari ng lalaki, maaari itong magresulta sa mga sumusunod na komplikasyon:
Pagkakaroon ng nakasasagabal na peklat sa butas ng ari
Pagsikip ng butas ng ari o urethral stricture
Hirap sa pag-ihi o urinary retention
Pagbalik ng ihi sa mga kidney (bato) o vesicoureteral reflux
Kakulangan ng supply ng dugo sa ari
Kung magkukulang ang supply ng dugo sa ari, maaaring hindi tuluyang tumigas ang ari at makasagabal ito sa pakikipagtalik
Paano ito maiiwasan?
Pagligo araw-araw. Ugaliing maligo araw-araw upang maalis ang mga mikrobyo sa katawan. Bigyang-pansin ang wastong paglilinis ng ari at huwag gumamit ng matatapang na sabon. Banlawan at patuyuin ang ari nang maigi upang hindi agad ito pagpawisan at maiwasan ang pagkakaroon ng mabahong amoy.
Dahil ang kadalasang naaapektuhan ng kondisyong ito ay kalalalakihang hindi natulian, mas mainam na magpatuli upang maiwasan ang pagkaipon ng latak sa mga singit-singit ng balat ng ari.
Magsuot ng malinis at komportableng damit. Iwasan ang pagsusuot ng masisikip na damit pang-ibaba sapagkat palaging makikiskis ang ari at maaari itong magresulta sa pamumula.
Ugaliing magsuot ng condom kapag makikipagtalik. Kung hindi lubusang kilala ang kapareha sa pakikipagtalik, mainam na gumamit ng condom dahil bukod sa proteksiyon ito sa hindi planadong pagbubuntis, nagsisilbi rin itong harang sa mga mikrobyo na maaaring dumikit sa ari.