Hinimok ng mga magsasaka si Pangulong Rodrigo Duterte na pangatawanan ang banta nito na tuluyang ipakulong ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian gamit ang pondo sa Covid-19. Gamit ang mga ebidensiya, ibinunyag ng mga magsasaka ang umano’y katiwalian sa pagbili ng P1.8 bilyong fertilizers para maitulong sa mga magsasaka sa panahon ng pandemya.
Ayon kay Joseph Canlas, chairman of the Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), dapat nang kanselahin ni Agriculture Secretary William Dar ang kuwestiyonableng P1.8 billion fertilizer contract at kasuhan ang mga sangkot sa overpricing.
Tinatayang nagpatong umano nang may kabuuang P271.66 milyon sa orihinal na presyo ang mga nagkutsabahan sa kontrarta.
Sinasabing binalewala ng mga opisyal ang isang bidder na may mas mababang presyo dahil umano sa kawalan ng sapat na suplay pero, natuklasang wala rin umanong sapat na suplay ang nagwaging bidder na may mataas na presyo.