![Bulgar Horoscope](https://static.wixstatic.com/media/fd10e50be6e546a9aa7fe7f914905920.jpg/v1/fill/w_980,h_279,al_c,q_80,usm_0.66_1.00_0.01,enc_auto/fd10e50be6e546a9aa7fe7f914905920.jpg)
Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign ngayong taon, tatalakayin naman natin ang ugali at magiging kapalaran ng mga isinilang sa Year of the Snake ngayong Year of the Metal Rat.
Ang Snake o Ahas ay nahahati sa limang klase, batay sa taglay nilang elemento at ito ay ang mga sumusunod:
Metal Snake o Bakal na Ahas - silang mga isinilang noong 1914 at 2001
Water Snake o Tubig na Ahas - silang mga isinilang noong 1953 at 2013
Wood Snake o Kahoy na Ahas - silang mga isinilang noong 1965 at 2025
Fire Snake o Apoy na Ahas - silang mga isinilang noong 1917 at 1977
Earth Snake o Lupang Ahas - silang mga isinilang noong 1929 at 1989
Sa pagkakataong ito, dadako tayo sa ika-apat na uri ng Snake at ito ay ang Fire Snake o ang Ahas na Apoy.
Ang mga Fire Snake ay magkakaroon ng kakaiba at magagarang karanasan sa lahat ng aspeto ng buhay. Bagama’t nahadlangan ng Covid-19 ang nagliliyab na espiritu ng Ahas sa kaibuturan ng kanyang pagkatao, hindi naman mahahadlangan ng pandemic ang nag-aapoy na pagnanasang ituloy ang lahat ng plano at ambisyon bago naganap ang lockdown.
Kaya naman ngayong niluwagan ang lockdown sa buong bansa at unti-unti na nating nagagawa ang mga bagay na dapat nating gawin para sa ikauunlad ng ating pagkatao at kabuhayan, bilang Fire Snake, malayang-malaya mo nang maipamamalas ang pambihira mong katangian. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng kakaibang katapangan at lakas ang loob. Dahil dito, sa kalagitnaan ng 2020, mala-dramatikong tataas ang graph ng pag-unlad sa larangan ng salapi at materyal na mga bagay.
Sa panahong ito ng iyong buhay, muling magpi-peak ang iyong career at magtutuluy-tuloy ito hanggang sa mga susunod pang taon kung saan halos hindi mo mapipigil ang pag-angat ng iyong career at kabuhayan. May ilang mga dati at kasalukuyan mong kasamahan sa trabaho at maaari ring sa pamilya mo ang maninira at maiinggit sa iyo, ngunit anumang pagsisikap nila na ibagsak ka, ito ay hindi magtatagumpay, sapagkat sa panahon ding ito, ginagabayan ka ng mahiwagang tala na patuloy na nagniningning sa kalangitan upang tuluyan kang iligtas sa pagbagsak ng disgrasya at kapahamakan.
Dahil lubhang magiging maganda ang kapalaran mo sa susunod na mga buwan at taon, isa lang ang dapat mong pag-ingatan. Baka ma-scatter o matuon ang iyong lakas sa mga bagay na illegal o immoral. Ibig sabihin, sa panahong ito, bantayan mo pa rin ang iyong sarili na manatili sa mabuting daan. Iwasan mong gumawa ng labag sa kabutihang-asal at batas upang ang iyong suwerte at magandang kapalaran ay magtuluy-tuloy at sumagana sa buong 2020 hanggang 2023.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, nakahanda na ring maranasan mo ang masasarap at pambihirang romansa na hindi mo pa nararanasan. Tulad ng naunang paalala, sa pakikipagrelasyon, piliin mo ang mabubuti at katugma mong nilalang na alam mong hindi ka ipapahamak nang magtuluy-tuloy ang maligaya at masarap na relasyon.
Tandaang dahil laging magiging maganda, sikat, abala at maunlad ang lulukob sa iyong karanasan, dapat mo pa ring panatilihin ang pagpapakumbaba, pagiging mahinahon at kampante dahil kapag pinairal mo ang galit at bugso ng init ng ulo, maaari itong maging sanhi ng problemang pangkalusugan.
Gayundin, sa lahat ng tagumpay at mga pagpapalang iyong matatamo, ‘wag mong kalilimutang mag-meditate, magpahinga sa mga lugar na malapit sa nature at magkaroon ng sapat na oras para mag-unwind. Sapagkat ang pagre-recharge ng iyong energy at pagkakaroon ng sapat na sandali upang ipayapa ang iyong damdamin at kaisipan ay mahalaga sa iyong buhay upang magtuluy-tuloy ang masaya at matagumpay na karanasan ngayong Year of the Metal Rat.
Itutuloy