Pinayuhan ni Education Sec. Leonor Briones ang mga magulang na ipagpaliban na muna ang pagbili ng gadgets para sa kanilang mga anak.
Una rito, dagsa na ang mga magulang na namimili ng mga laptop, computer, tablet at iba pang gadgets na maaaring magamit ng kanilang mga anak matapos mag anunsiyo ang Department of Education na wala munang face-to-face classes habang wala pang bakuna sa covid-19.
Sinabi ni Briones na sa linggong ito ay maglalabas ang DepEd ng standards sa specification ng gagamiting gadgets.
"Gusto natin ‘yung nagko-comply sa standards ng DepEd at ‘yung capacity makaka-absorb, makaka-record, kung ano-ano mga functions na naiha-handle," pahayag ni Briones sa panayam sa telebisyon.
Sinabi naman ni Briones na welcome sa kanila ang mga donasyon mula sa pribadong sektor pero sana ito ay pasok aniya sa standards.
Tiniyak naman ng kalihim na lahat guro ay sisiguruhin nilang mabibigyan ng mga gadgets na kailangan sa online teaching.