Ibabalik sa P20 ang presyo ng lotto ticket mula sa kasalukuyang P24.
Ayon sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), ito ay sa oras na muling payagang magbukas ang mga gaming operations.
Dahil sa banta ng COVID-19 ay napilitang tumigil sa operasyon ang gaming operation ng PCSO simula Marso.
Binawasan na rin ng ahensiya ang mga requirement para makapag-franchise ng lotto outlet business bilang hakbang upang hikayatin ang mga negosyante na mag-invest sa lottery.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, babaguhin din ng ahensiya ang kanilang patakaran sa pagbibigay ng consolation prizes. Hindi na umano hahatiin sa mga nanalo ang consolation prize bagkus ay ibibigay ito nang buo sa bawat isa.
“Except for jackpot prize, ‘yung other consolation prizes po, kung ano po ‘yung amount sa consolation prize ‘yun din po ang matatanggap ng ating mananaya,” ani Garma.
Umapela na ang PCSO sa Inter-Agency Task Force na payagang bumalik sa operasyon ang kanilang mga lotto outlets.