Pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging masunurin sa batas ng mga Filipino kasabay ng pagkadismaya nito sa kaguluhang nagaganap sa Estados Unidos.
Ipinagpapasalamat ni Pangulong Duterte na walang nangyayaring riot sa bansa hindi tulad sa mga kilos-protesta sa Amerika dahil sa pagkamatay ng isang African-American sa kamay ng pulisya doon.
Gayundin, aniya ang katangian ng mga Filipino bilang mga masunuring mamamayan kaya hindi nahirapan ang pamahalaan na ipatupad ang community quarantine.
"There’s a riot going on all over and it seems to me that is no end in sight. Mabuti na lang hindi tayo ganun at natimingan naman that the Filipinos are really law-abiding," wika ni Duterte.
"Imagine if Amerika ‘to, how can you enforce the lockdown and the sequestration — ah itong quarantine? Buti’t na lang ganun ‘yon so we have to respond to the problem besetting the distribution of assistance to them," sabi pa ng Pangulo.
Magugunitang nauwi na sa ilang araw na riot at insidente ng looting ang mga kilos-protesta sa Amerika sa isyu ng police brutality at racism bunsod naman ng pagkamatay nni George Floyd sa kamay ng isang police officer.