top of page
Search
Shane Ludovice

Sanhi, pag-iwas at iba pang kaalaman tungkol sa meningitis

Dear Doc. Shane,

Mayroong meningitis ang pamangkin ko at sa bahay namin sila nakatira. Hindi pa sila makauwi sa probinsiya gawa ng krisis pa ngayon. Ano ba ang sanhi nito at paano ito maiiwasan lalo na kung sa iisang bahay lamang kami?

– Leonor

Sagot

Iba’t ibang sakit ang maaaring makaapekto sa utak, kabilang na ang meningitis. Sa kondisyong ito, ang meninges ng utak ay nagkakaroon ng impeksiyon at pamamaga.

Ang meninges ay ang protective membrane na pumapalibot sa utak at spinal cord at nagsisilbing proteksiyon o harang ng mga bahaging ito.

Nagkakaroon ng meningitis dahil may nakararating na mga virus o bakterya sa utak o spinal cord. Bukod sa mga mikrobyong ito, maaari ring maging sanhi ng meningitis ang mga fungi at parasitiko. Dagdag dito, maaari ring magdulot ng meningitis ang mga pisikal na pinsala.

Ang meningitis ay mayroong iba’t ibang uri batay sa sanhi nito:

  • Viral meningitis. Sa uring ito, nagkakaroon ng meningitis ang tao dahil sa mga virus na tulad ng coxsackievirus A, coxsackievirus B at dahil ito ang pinakalaganap na uri, karaniwang gumagaling mula sa sakit na ito hangga’t nagpapahinga at sinusunod ng pasyente ang payo ng doktor.

  • Bacterial meningitis. Ang uring ito ay lubos na mapanganib. Sa katunayan, nasa lima hanggang 40 porsiyentong kabataan na may ganitong sakit ay nababawian ng buhay.

  • Fungal meningitis. Ang sanhi nito ay mga fungi na nagdulot ng impeksiyon sa katawan at kumalat sa daluyan ng dugo hanggang sa nakarating sa utak o spinal cord. Kadalasan, ang mga taong may HIV at kanser ang naaapektuhan nito.

  • Parasitic meningitis. Maaaring magkaroon nito kapag ang tao ay nakakain ng pagkaing naglalaman ng parasitikong nagdudulot ng sakit na ito. Kapag ang parasitiko o itlog nito ay nabuhay sa loob ng katawan, maaaring makarating ito sa utak o spinal cord at pinsalain ang mga tisyu nito.

  • Non-infectious meningitis. Ang mga nabanggit na uri ay sanhi ng mga impeksiyong dulot ng mga mikrobyo at parasitiko. Subalit sa uring ito, ang sanhi ng meningitis ay mga pisikal na pinsala o ibang medikal na kondisyon, tulad ng lupus at kanser. Maaari ring magdulot ng non-infectious meningitis ang mga operasyon sa utak at ilang mga gamot.

Ang mga mikrobyo at parasitiko na dulot ng meningitis ay kadalasang nakukuha sa maruming kapaligiran. Upang maiwasang magkaroon ng kondisyong ito, ugaliing gawin ang mga sumusunod:

  • Maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain, pagkatapos maglaro, pagkatapos humawak ng mga alagang hayop at pagkatapos gumamit ng palikuran.

  • Iwasang manghiram ng mga personal na gamit ng ibang tao.

  • Linisin ang kapaligaran at ugaliing itapon nang wasto ang mga basura upang hindi ito pamahayan ng mga mikrobyo at parasitiko.

  • Takpan ang ilong at bibig lalo na kung nababahing o nauubo.

  • Kumain ng masusustansiyang pagkain upang maging masigla at hindi agad maapektuhan ang katawan kahit na nakalanghap o nakahawak ng mga bagay na may mikrobyo.

Bukod sa mga nabanggit, mas malaki ang posibilidad na maiwasan ang ilang mga uri ng meningitis sa pamamagitan ng pagbabakuna. Halimbawa ng mga bakuna para sa meningitis ay ang mga sumusunod:

  • Hemophilus influenza type B (Hib) vaccine

  • Pneumococcal conjugate vaccine

  • Meningococcal vaccine

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page