top of page
Search
Gerard Arce

PHL Baseball hihiling sa IATF-EID na payagang makapag-ensayo pa-World Cup


Susubukang hilingin ng coaches ng Women’s Baseball World Cup-bound na makausap ang pamunuan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) upang humingi ng approval sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) na makapag-ensayo bilang paghahanda sa torneo na nakatakda simula Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico.

Dahil sa mga paghihigpit ng bansa at pagpapatigil ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga pagsasanay ng aktuwal at pisikal sa lahat ng national sports association (NSAs) bunsod ng pandemic; marami ang nahihirapang maipagpatuloy ang mga ensayo at paghahanda, partikular na ang ‘Team Sports.’

“We will suggest PABA to ask or make a proposal letter to the IATF para makapag-ensayo kami kahit papaano. Of course, the move should come from PABA first before anything else,” pahayag ni pitcher/assistant coach ng national women’s baseball team na si Jeffrey Santiago sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Magkakaroon kami ng meeting ng coaches through Zoom with our PABA officials and we’re hoping na mapapayag sila (PSC at IATF) dahil minsan lang itong pangyayari ito para sa ating bansa,” dagdag ni Santiago na paniguradong mabigat ang laban sa mga bansang Japan, Chinese-Taipei mula sa Asya; Canada, Mexico, USA at Venezuela sa Americas; France mula sa Europa; Australia sa Oceania at Cuba, Dominican Republic at the Netherlands bilang mga wildcards. Ang Mexico, France at Pilipinas ay sasabak sa unang pagkakataon.

Nauna nang nagpahiwatig ang mga sports na basketball, volleyball, football, athletics, gymnastics, karate at rugby na nais na nilang ipagpatuloy ang mga training sessions.

Irerekomenda rin ni PSC chairman William “Butch” Ramirez sa IATF at sa Department of Health (DOH) ang mga dokumentong ipapasa ng pitong sports, ngunit hindi nangangakong mapapayagan dahil maraming proseso at hinihinging protocols at pag-iingat ang task force.

“Mahihirapan tayong mag-prepare dahil parang maghuhulaan lang tayo kung anong mga gagawin at plano. Sana naman matuloy ang laro natin kase opportunity ito sa Pilipinas, mahirap makapasok sa World Cup,” saad ni Santiago na siya ring head coach ng UST Golden Sox sa UAAP. “Sa ngayon puro lang tayo online training sa kani-kanilang mga lugar. Hindi naman pupuwedeng puro ganun lang ang ensayo natin tapos sasabak tayo sa World stage,” dagdag ng pitcher ng national team noong 1982-86 na naglaro sa Southeast Asian Games at Asian Games.

“Sana lang ay may makita kaming mga private sectors o sponsors na tutulong sa amin para maipakita natin sa buong mundo iyong galing ng mga Filipino,” wika ni Santiago.

Ang mga manlalaro ay binubuo nina Clariz Palma, Whell Camral, Elaine at Wenchie Bacarisas, Diana Balderama, Christine Bautista, Camral, Ivy Capistrano, Mhamie de la Cruz, Nicole Estante, Lealyn Guevara, Jojielyn Lim, Erika Olfato, Palma, Mery Ann Ramos, Edna Severino, Alaiza Talisik, Esmeralda Tayag, Jennifer Singh, Sheirylou Valenzuela, Veronica Velasco at Charlotte Sales, na mamanduhan nina head coach Egay de los Reyes, Tata Empasis at Santiago.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page