Magbabalik aksyon ang Philippine Azkals ngayong Oktubre. Iniutos kahapon ng Asian Football Confederation (AFC) na itutuloy na ang qualification para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 Asian Cup sa Tsina matapos itong ipatigil noong Marso dahil sa krisis ng COVID-19.
Unang haharapin ng Azkals ang mga bisita mula sa Guam sa Oktubre 8. Tinalo ng Pilipinas ang Guam, 4-1, noong una nilang pagharap noong Setyembre 10, 2019 sa Dededo, Guam.
Susundan ito ng rebanse kontra Tsina sa Nobyembre 12. Nagtapos sa 0-0 na tabla ang una nilang pagkikita noong Oktubre 15, 2019 sa Panaad Stadium ng Bacolod City.
Ang Maldives ang huling makakalaro ng Azkals sa Nobyembre 17. Paborito ang mga Pinoy na ulitin sa sariling tahanan ang kanilang 2-1 na tagumpay noong Nobyembre 14, 2019 sa Male, Maldives.
Wala pang katiyakan kung saan gaganapin ang mga laro kontra Guam at Maldives dahil ang Rizal Memorial Stadium at Ninoy Aquino Stadium ay parehong ginawang pansamantalang quarantine facility habang inaayos naman ang Panaad para sa 2021 Palarong Pambansa. Ang laro laban sa Tsina ay unang itinakda na gawin sa Thailand pero titingnan kung babaguhin ito at ibabalik sa Tsina mismo.
Sa hiwalay na pahayag, kung papayag ang AFC ay isusulong ng Philippine Football Federation (PFF) na gawin ang mga laro sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.
Kasalukuyang patas ang Pilipinas at Tsina para sa ikalawang puwesto ng Grupo A na parehong may pitong puntos. Numero uno ang Syria na may malinis na 15 puntos buhat sa limang panalo, kasama ang dalawa kontra sa Azkals.
Patuloy pa ring pag-aaralan ng AFC at FIFA ang sitwasyon para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat. Malaking bagay din ang magiging patakaran ng mga pamahalaan ng mga kalahok na bansa tungkol sa paglakbay at malakihang pagtitipon.