Pinaalalahanan ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez ang mga negosyo na magbubukas ngayong araw, Hunyo 7 na mahigpit na sundin ang health protocols sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Sinabi ni Lopez na kailangang ipairal ang health protocols sa mga barbershops at dine-in restaurants.
"So, papagamit natin iyong SafePass na technology app at saka iyong StaySafe na technology app para din sa contact tracing ng mga customers. So, maganda ang ano — feeling safe po sila," ayon kay Lopez.
Dapat may mga disinfectants at hand sanitizers ang mga barbershops habang dapat nakasuot ang mga empleyado nito ng personal protective equipment kabilang na ang masks, face shields at gloves.
"Sa GCQ tulad ng Metro Manila, starting tomorrow, June 7, magbubukas na po ang mga barbershops, salons at bago ho sila magbukas ni-require po natin na sundin nila iyong health protocol na inisyu natin two weeks ago para maka-prepare po sila sa pagbubukas," wika ni Lopez sa Laging Handa briefing.
"Ito ho iyong mga pag-iingat ng mga equipment, sanitation, acrylic divider, iyong paggamit ng mga sterilizer para sa mga kagamitan nila, etc. So, ito ho ay ipai-implement na natin para makapag-open na; at saka ang puwedeng i-open 30% capacity nila sa mga barbershop and salon," ani Lopez.
Para naman sa mga dine-in restaurants na maaari nang mag-operate ng 50% capacity, dapat mayroon silang foot baths, temperature scanners at dapat may divider ang mga cashier para sa mga magbabayad at ipatupad ang physical distancing.
"Tapos sa mga restaurants naman, iyong dine-in puwede na siya pero doon sa mga modified GCQ areas. Pero marami na rin iyan, mga over 60 provinces and cities na in-allow na ang — well, modified GCQ na sila and therefore allowed na rin itong mga dine-in," sabi ng Kalihim.
"So, MGCQ allowed na ang dine-in up to 50% capacity, so iyong mga mahihigpit na guidelines diyan iyong sa pag-enter pa lang, sa pagpasok pa lang ng establishment mayroon din silang temperature scanning, na kinukuha rin iyong temperature pati iyong may—kung outdoor po ito ay may footbath pa para iyong sa apakan ma-sanitize. Tapos iyong mga cashier ay usually may acrylic divider o kaya ay enough protection iyong mga cashier," pahayag ni Lopez.
"Iyong sa pagbayad as much as possible using din iyong mga non-cash na paraan tulad ng either debit card, credit card o kaya iyong sa technology ng Dreamtech, iyong QR code. Kung hindi naman, kung cash naman ay puwede rin pero ilalagay sa tray at ibibigay, hindi po diretso iaabot," sabi ng opisyal.
"Tapos sa mga dining area ito iyong may mga tables and chairs na hindi ipagagamit para may enough space sa pagitan ng mga dalawang customers. So, iyon iyong mga example ho iyon. In some cases para mas maraming occupancy, makaya iyong let’s say 50% ay maglalagay din ng mga divider bawat table kung saan kinakailangan para let’s say, gusto nilang masagad iyong 50% na allowed, gagawin din nila iyon," saad pa ng Kalihim.
Bukod dito, hinikayat ni Lopez ang mga establisimiyento na gumamit ng technology app para makatulong sa contact tracing at pag-assess ng mga customer kung sila ba ay pasado rin sa kanilang health condition.