top of page
Search
Ryan B. Sison

Kawalan ng trabaho, gutom at pandemya, malalampasan din, tiwala lang!


Boses ni Ryan B. Sison

Halos isang linggo mula nang ipatupad ang general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, unti-unting dumami ang industriyang nagbukas.

Nagsimula nang bumiyahe ang ilang pampublikong transportasyon, mas maraming tindahan sa mall ang nagbukas, habang unti-unti na ring nag-o-operate ang iba’t ibang establisimyento.

Maraming manggagawa ang nagsikap na makabalik ng trabaho sa kabila ng limitadong transportasyon—marami sa kanila ang nagtiyagang mag-abang ng masasakyan, nagbisikleta at naglakad alang-alang sa kikitain.

Kaugnay nito, kumpiyansa ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makakabawi na ang ilang mga negosyo at mababawasan ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho sa bansa dahil sa GCQ.

Labis na naapektuhan ang maraming negosyo mula Marso hanggang Mayo dahil sa lockdown kung saan natigil nang mahigit dalawang buwan ang operasyon ng ilang kumpanya at ang maliliit na negosyo ay tuluyan nang nagsara.

Habang may mga negosyo at empleyadong nagsisimulang bumangon, marami ang nanatiling tengga sa bahay, gayundin, may ilang wala nang babalikang hanapbuhay.

Ang ending, umakyat sa 7.3 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Gayunman, hindi ito dahilan para magpaka-nega dahil kung tutuusin, hindi lang Pilipinas ang apektado ng pandemya.

Habang unti-unting nagbabalik-operasyon ang ilang industriya, hamon pa rin para sa gobyerno kung paano tutulungan ang milyun-milyong Pilipinong nawalan ng hanapbuhay.

Kawalan ng trabaho, gutom at pandemya—ito ang ating kalaban ngayon at kailangan nating maging matatag at magtiwala na malalampasan ang mga ito.

Malayo pa ang lalakbayin natin para tuluyang makabangon ang ekonomiya at magkaroon ng hanapbuhay ang manggagawang natengga, pero sa pagkakataong ito, ang mahalaga ay muling makapagsimula kahit sa maliliit na hakbang.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page