Binalaan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga online seller na pagmumultahin o makukulong kung patuloy na iisnabin ang polisiya ng gobyerno patungkol sa paglalagay ng price tag sa kanilang mga itinitindang produkto.
Diin ni Trade Secretary Ramon Lopez, obligado ang online sellers na maglagay ng price tag na layong proteksyunan ang mga konsyumer laban sa panloloko.
"Required po ' price tag doon sa mga items na 'yon. Kaya ho hindi uubra ‘yung walang presyong ilalagay" ani Lopez.
Sinabi ni Lopez na mahigpit ang batas patungkol sa price tag policy at kung hindi ito masusunod ng mga seller ay wala silang karapatan na magtinda.
Kasabay nito, inihayag ng kalihim na nakikipag-ugnayan na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) para tukuyin ang mga lumalabag na online sellers.
Ikinatwiran naman ng ilang online sellers na ang hindi paglalagay ng price tag ay bahagi ng kanilang marketing strategy.
"Sa mga matitigas ang ulo, lalo na sa hindi paglagay ng price tag sa mga prime commodity, ay may multa po 'yun at maaari kayong makulong" babala ni Lopez.
Inabisuhan naman ni Lopez ang mga konsyumer na magsumbong sa hotline 1384 para matunton ang mga pasaway na online sellers.
"Dapat magsumbong kayo upang matunton at mapuntahan natin 'yung mga ayaw sumunod. Price tags also indicates the authenticity and quality of the product. Kung ano "yung specifications na sinasabi sa tag, dapat 'yun din ang dapat ibigay sa customers. 'Pag 'di nasunod, itatawag nila sa 1384," dagdag pa nito.
Nasasaad sa Article 95 ng Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines ang parusang pagmumulta ng P200 hanggang P5,000 o pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan o pareho para sa unang paglabag.
Kung uulitin ang paglabag ay mahaharap na sa pagkansela ng business permit at license to operate.