Patay ang isang lola sa nangyaring sunog sa isang residential area sa Bgy. Mauway at Bgy. Addition Hills sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Mila Taon Carillo, 69, na na-trap sa kanyang bahay na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.
Sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog alas-2:59 ng madaling- araw sa Neve de Pebrero sa Bgy. Mauway.
Mabilis namang kumalat ang sunog hanggang sa nadamay na rin ang mga bahay sa Correctional Road na sakop ng katabing Bgy. Addition Hills.
Nabatid na malapit ang sunog sa Department of Social Welfare and Development-Jose Fabella Center na tinutuluyan ng mga homeless na nasasagip ng ahensiya.
Dahil dikit-dikit ang mga bahay na karaniwan ay gawa sa mga light materials, mabilis na lumaki ang sunog.
Nahirapan din ang mga bumbero na pasukin ang mga makikitid na eskinita.
Tuluyan namang naapula ang apoy alas-5:40 na ng madaling-araw.
Pansamantalang tumutuloy sa Nueve de Febrero Elementary School ang mga nasunugan.
Ayon sa BFP, nasa 200 bahay ang natupok sa sunog habang nasa 600 na pamilya naman ang naapektuhan.
Tinataya namang aabot sa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog.
Ito na ang ikalawang sunog na sumiklab sa naturang lugar, sa loob lamang ng isang linggo.
Matatandaang nitong Lunes lang ay nasunog din ang nasa 800 bahay sa Block 37, Bgy. Addition Hills sa lungsod.