Nasa kabuuang 31,700 overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng COVID-19 ang napauwi na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa kanilang probinsiya.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni OWWA administrator Hans Leo Cadac na mula May 25-31, may 25,002 na ang kanilang napauwi na mga OFWs habang may 6,700 ang napauwi mula June 1-5.
Ayon kay Cacdac, mayorya na mga napauwi na OFWs ay mga nagtatrabaho mula sa cruise ships na nasa 25,000 habang 18,000 naman ang naapektuhang land-based OFWs.
Kaugnay nito, tiniyak ni Cacdac na mapapabalik din ang mga repatriated OFWs lalo na ang mga seaman na posibleng ma-rehired sa sandaling matapos ang COVID-19 pandemic.
Nabatid na 72,000 repatriated OFWs ang nakatanggap na ng P10,000 bawat isa mula sa Department of Labor's Akap OFW program, at ang natitirang 200,000 ay maaaring makakuha ng second round ng emergency cash aid.
Samantala, inianunsiyo ni Cacdac na sa susunod na linggo, tatanggap na ng aplikasyon ang ahensiya para sa ikalawang bugso ng socio-economic stimulus para sa mga miyembro ng OWWA kung saan mayroon itong P2 bilyong alokasyon.