Tatlong hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang arestado matapos makumpiskahan ng P456,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan at Navotas Cities, Biyernes ng gabi.
Ayon kay Caloocan Police Chief Col. Dario Menor, alas-10:20 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni P/Capt. Joel Guimpatan ang buy- bust operation kontra kina Isagani Ancheta alyas Gani, 41, pusher, at Joseph delos Angeles alyas Payat, 27, kapwa ng Bgy. 28, sa A. Mabini St., Bgy. 33.
Agad na dinamba ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng isang sachet ng shabu si PCpl. Krimhild Mating na nagpanggap na buyer.
Nakumpiska ng mga operatiba sa mga naarestong suspek ang apat na sachets na naglalaman ng nasa 60 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang nasa P408,000 standard drug price at buy-bust money.
Nauna rito, alas-6:30 ng gabi nang masakote din ng mga operatiba ng Navotas Police Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PLt. Genera Sanchez sa buy-bust operation sa Leongson St., Bgy. San Roque, Navotas City si Wilfredo Pascual alyas Boyet, 58, painter, ng Bgy. San Roque.
Ani Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas, narekober ng mga operatiba kay Pascual ang 27 sachets na naglalaman ng nasa 7.2 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P48,960 at P500 buy-bust money.