top of page
Search
Eddie M. Paez, Jr.

​Checkmate Coronavirus Online Tournament: 2 Pinoy nagwagi


Naambunan ng suwerte ang mga ordinaryong apisyonado ng ahedres mula sa Pilipinas nang mapili ang kanilang mga pangalan sa pa-raffle ng programa ng FIDE na puntiryang daigin ang coronavirus at tinatawag na "Checkmate Coronavirus".

Dalawang chessers ng bansa ang napagkalooban ng dalawang upuan sa sampung "mini-matches with Top GMs" na bahagi ng paripa sa proyektong nagsasagawa ng 80 online tournaments kada araw na nagsimula noong Mayo 18 hanggang Hunyo 16.

Sa programa, ang mga online tournaments ay puwedeng salihan ng kahit na sino (bata o matanda, masters o non-masters) mula sa kahit saang bahagi ng mundo. Bitbit ang paniniwalang nakahanay sa Olympic motto na "not to win but to take part", itinataguyod ng kaganapan ang pananatili sa loob ng mga tahanan ng lahat ng tao sa panahon ng pandemic habang pinapasigla ang international online chess.

"Ramon palatan" at "Simounn" ang ginamit na online chess names ng dalawang chessers mula sa Pilipinas na nagwagi. KInakailangan pa nilang makipag-ugnayan sa FIDE, ihayag ang kanilang tunay na mga pangalan para sa pagkuha ng kanilang mga gantimpala. Bukod sa kanila, may mga manlalaro rin ng Nepal, Cyprus, Brazil, Singapore, Serbia, Australia, Kenya at Greece ang haharap sa "top GMs".

Isang dosenang kalahok din mula sa raffle ang naimbitahang manood ng prestihiyosong Chess Olympiad 2021 na nakatakdang ganapin sa Russia. Sila ay galing sa South Africa, Netherlands, India, Canada, Brazil, Bolivia, Algeria, Azerbaijan, Serbia, Great Britain at Spain.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page