Para kay Gabe Norwood ng Rain or Shine Elasto Painters, maituturing na ang pambansang koponan na lumaban sa 2007 FIBA Asia Cup sa Tokushima, Japan ang pinakamalakas sa lahat. Katatapos lang ng koleniyo sa George Mason University sa Estados Unidos ang noo'y 22-anyos na forward at sumabak agad sa laban kasama ang mga subok na beterano at papausbong na alamat ng Pilipinas.
Sa gabay ni Coach Chot Reyes, ang koponan ay binuo nina Norwood, Eric Menk, Mick Pennisi, Asi Taulava, Kelly Williams, Danny Seigle, Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Dondon Hontiveros, Renren Ritualo, Kerby Raymundo at Jimmy Alapag. Sa ilalim ng koponan ay naging reserba sina Tony dela Cruz, Ranidel de Ocampo at James Yap.
“Me and Kelly were the young guys,” wika ni Norwood sa FIBA.com. “It wasn’t until I came here where I actually understood the lifestyle and the way the game was played and everything behind it.”
Isinama agad si Norwood sa listahan noong nalaman na may lahing Pinoy ito at bago siya nakatapak sa Pilipinas, mahusay ang ipinakita niya bilang kasapi ng GMU varsity at umabot sila sa Final Four o semifinals ng NCAA sa Amerika.
Natalo ang Pilipinas sa unang dalawang laro nito kontra Iran at Jordan kaya naglaho ang pangarap nilang makapasok sa 2008 Beijing Olympics. Bumawi naman sila at winalis ang mga nalalabing laro upang magtapos sa ika-siyam na pwesto.
Kahit bigo, ito ang naging simula ng matagal na relasyon ni Norwood at ng pambansang koponan. Bago sumabak sa PBA, naglaro siya saglit sa Philippine Basketball League (PBL) para sa Hapee Toothpaste at kinuha siya ng Welcoat Dragons, ang pangalan noon ng ROS, sa 2008 PBA Draft.
Base sa kanyang malawak na karanasan inilista niya sina Samad Nikkahbahrami ng Iran, Fadi El-Khatib ng Lebanon at mga kakamping sina Jayson Castro, Ranidel de Ocampo at Andray Blatche bilang kanyang kasama sa Mythical Five. Sa edad na 35 ay malakas pa rin si Norwood pero titingnan pa kung maglalaro siya sa FIBA 2021 FIBA Asian Cup at 2023 FIBA World Cup sa Pilipinas.