top of page
Search
Sr. Socrates Magnus II

Taumbayan, ‘di dapat magpadala sa takot ng COVID-19 para isabuhay ang susi ng tagumpay

Bigyang-daan natin ang ilang bagay na puwedeng isabuhay ngayon at pagkatapos ng COVID-19 pandemic.

Totoong mahirap ang sitwasyon ngayon dahil hanggang sa mga araw na ito, wala pang gamot laban sa COVID-19. Pero ang mas maganda na may gamot na o wala, dapat magsikap ang mga tao na paunlarin ang kanilang buhay.

Ang totoo nga, kahit wala pa ang COVID-19 sa mundo, marami na ring bagay ang nakakatakot, lalo na rito sa ating bansa.

Noong ang mga tao ay malayang nakalalabas ng bahay, napakaraming namamatay dahil sa krimen tulad ng riding-in-tandem, holdap, rape at akyat-bahay. Kaya noon pa man, aminado mga awtoridad sa ganitong senaryo kung saan ang mga tao ay namamatay sa krimen at kahit ang ilan sa mga nasa pamahalaan ay biktima rin ng mga ito.

Pero may isang katotohanan na hindi napapansin na mas mataas ang bilang ng mga namamatay dahil sa aksidente ng mga sasakyan.

Sa ngayon, kapag sinilip natin ang sitwasyon ng COVID-19 sa bansa, makikita nating kaunti na ang namamatay at mas marami ang gumagaling habang higit na dumarami ang nagpopositibo sa sakit, pero wala namang nararamdaman na mga sintomas.

Sa ganitong katotohanan, hindi tayo dapat mahadlangan ng ating mga kinatatakutan, lalo na sa aspetong kailangan nating pagandahin ang ating buhay o kabuhayan.

May isang susi ng tagumpay na kailangan nating isabuhay at ang susing ito ay napatunayan na ng maraming nagsiyaman.

Ito ay ang “Paramihin mo kung ano ang nasa iyo,” kahit sino, kapag inintindi ang mismong mga salitang ginamit, tiyak na sasabihin, kapag isinabuhay ang pagyaman, ito ay hindi imposibleng bagay.

Paano ito gagawin? Ang unang kailangan ay maging tapat sa sarili. Halimbawa, may hawak tayong pera, pero hindi naman sa atin lahat ng ito. Masasabi lang na talagang atin ‘yun pagkatapos naibawas ang pambayad sa gastusin at ang matitira ay ang tunay na atin.

Halimbawa, ang pambayad sa kuryente, hindi ‘yun para sa atin dahil ‘yun ay para sa electric company tulad ng Meralco.

Nakatutuwa na nakakagalit dahil ang Meralco ay inatasang magpaliwanag sa Kongreso at Energy Regulatory Commission (ERC) kung bakit may biglang pagtaas ng bill ng mga konsumer, gayundin, ipinaayos ang pagkompyut sa bills.

Totoong hindi atin ang pera na pambayad sa Meralco kahit ang perang ito ay hawak natin. Pero puwede pa ring masabing atin dahil madalas din naman ay inutusan ng Korte ang Meralco na ibalik sa mga tao ang sobrang naibayad sa kanila.

Nakapagtatakang nangyayari ang maling paniningil dahil ayon sa batas, kailangang may batayan bago maningil sa mga tao.

Malungkot mang tanggapin, muli, hindi atin ang hawak nating pambayad sa gastusin sa elektrisidad, kaya ang halagang ito ay hindi puwedeng ibilang sa nasabing susi ng tagumapay na “Paramihin mo kung ano ang nasa iyo.”

Itutuloy

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page