Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya
May mga kaso sa Public Attorney’s Office (PAO) na masasabing memorable para sa amin. Bukod sa iba pa, kabilang dito ‘yung humahamon sa aming kakayanan bilang mga manananggol, may national significance na may malaking relasyon sa pandaigdigang seguridad at interes, ganundin ang kaso ng mga biktima o akusado na tumatatak sa isipan dahil sa iba’t ibang mahahalagang dahilan o katangian na nag-iiwan ng marka. Isa sa mga biktima si Abbie Hedia. Hindi mawala sa isip ko ang kanyang smiling eyes. Sa picture pa lang, nakita ko ang mga kuwento tungkol sa kanya ay ganito na ang naiwan na impresyon ni Abbie sa akin. Siguradong nami-miss na siya ng kanyang mga magulang at lahat ng nagmamahal sa kanya.
Si Abbie, anak nina G. Ariel at Gng. Ruby Hedia, dating mag-aaral sa eskuwelahan sa Muntinlupa ay 13-anyos nang pumanaw noong Pebrero 10, 2018. Siya ang panglabing-walo (18) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya.
Noong Nobyembre 17, 2017, may nag-anunsiyo mula sa barangay na tinitirhan ng pamilya Hedia na may libreng bakuna laban sa Dengue sa plaza. Anang mag-asawang Hedia:
“Sa kagustuhan naming maprotektahan ang aming mga anak na sina Arvie at Abbie at sa tiwala namin sa gobyerno, pinapunta namin sila sa plaza kasama ang kanilang tita.
“Bagama’t walang nagpaliwanag sa amin kung ano ang nasabing bakuna at panganib nito, nang araw na ‘yun, nabakunahan sina Arvie at Abbie ng barangay health worker.”
Noong Pebrero 7, 2018 ng gabi, nilagnat si Abbie. Kinabukasan, tuloy pa rin ang lagnat niya kaya dinala siya sa ospital. Bandang hapon, pinauwi rin siya ng doktor matapos bigyan ng gamot. Gayunman, hindi bumuti ang kondisyon niya dahil nilalagnat at nanghihina pa rin siya. Nagsimula rin siyang magsuka at magtae kaya ibinalik siya sa ospital nang hatinggabi. Inilagay siya sa Intensive Care Unit (ICU) ng ospital, kinuhanan ng dugo at ihi saka isinailalim sa eksaminasyon ang mga ito. Nang lumabas ang resulta, negative naman diumano ang mga ito. Gayunman, binanggit ni Gng. Hedia na naturukan ng Dengvaxia si Abbie noong Nobyembre 17, 2017 sa health center sa kanilang lugar at ipinakita niya sa ospital ang index card na dala niya kung saan nakasaad na si Abbie ay nakatanggap ng Dengvaxia. Sinabihan si Gng. Hedia na kumuha ng certification mula sa health center na si Abbie nga ay naturukan ng Dengvaxia. Hindi bumuti ang kalagayan niya habang nasa ICU kahit nakaswero na siya. Sinabi rin ng mga doktor na negatibo ang resulta ng mga eksaminasyon sa kanyang ihi at dugo, pero hindi naman siya bumubuti. Hindi pa rin nawala ang kanyang lagnat. Nagsimula na rin siyang dumumi ng tubig na kulay berde at sumuka ng kulay dilaw at malaway. Binigyan siya ng gamot para sa pagsusuka at pagtatae at pinabili si G. Hedia ng matataas na uri ng antibiotics at inilagay sa swero. Ang ipinagtataka nito ay hindi naman bumuti ang kalagayan ni Abbie kahit matataas na uri na ng antibiotics ang isinuwero sa kanya.
Noong Pebrero 9 hanggang 10, 2018 ang naging mga kritikal na araw ni Abbie.
Pebrero 9, 2018 - Biglang nagwala si Abbie. Nagpupumiglas siya at ayaw niyang magpahawak. Sa kanyang pagpupumiglas, natanggal ang kanyang swero kaya nilagyan ng gapos ang kanyang mga kamay. Nagpatuloy pa rin siya sa pagpupumiglas at lalo siyang lumakas hanggang sa hirap na sina G. Hedia na pigilan siya. Hindi na rin siya mapigilan ng mga nurse kaya pati ang kanyang mga paa ay iginapos na. Paulit-ulit ang pagwawala ni Abbie at kahit nakagapos siya, gusto niyang tanggalin ang mga ito, subalit kapag sinasaway siya ni G. Hedia ay tumitigil siya. Nakapikit lamang siya pero hindi siya tulog. Matapos noon, mayroong gamot na itinusok kay Abbie, kaya kumalma siya at nakatulog.
Pebrero 10, 2018 - Alas-10:00 ng umaga, lumubha ang kalagayan ni Abbie at kinailangang i-pump na ang kanyang dibdib. Napakasakit para sa kanyang mga magulang na makitang naghihirap siya. Abot ang dasal ng mag-asawa na sana ay ma-revive siya. Makalipas ang ilang sandali, na-revive si Abbie at nagkaroon ng tibok ang puso niya. Matapos ma-revive, pinapirma si G. Hedia ng consent form para malagyan ng tubo si Abbie. Sa kagustuhan na madugtungan pa ang buhay ng anak, pumirma siya at pumayag na malagyan si Abbie ng tubo. Subalit hindi na nakayanan ni Abbie ang paghihirap dahil alas-12:00 ng tanghali ay pumanaw siya.
Sa kanilang pagmumuni-muni sa pagkamatay ni Abbie, nasabi nina G. at Gng. Hedia ang sumusunod:
“Malusog si Abbie bago siya makaranas ng malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman. Hindi pa siya nagkaroon ng malalang sakit kagaya ng dengue. Ang malaking pagbabago sa kanyang nararamdaman ay nangyari lamang matapos siyang mabakunahan ng Dengvaxia. Nagulat kami na siya ay lumisan nang napakabilis dahil sa simpleng pagtatae, nawala si Abbie. Ang pagkakaintindi namin, kapag nagtatae ang bata, binibigyan lang ito ng gamot at ganu’n si Abbie kapag nagtatae noon. Bigyan lang siya ng gamot ay nawawala na ang kanyang pagtatae. Hindi naman siya nadadala sa ospital dahil doon. Katunayan nga, magana pa rin siyang kumain, subalit nang maturukan ng Dengvaxia na sa akala namin ay makakatulong sa kanya, naging sanhi pa ito ng kanyang maagang kamatayan.
“Nais ko ring liwanagin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan niya kundi ang Dengvaxia.”
Labis na ikinalungkot at ikinagulat ng pamilya Hedia ang biglaang pagbabago sa kalusugan ni Abbie na humantong sa kanyang pagpanaw. Bagama’t nasa panahon pa sila ng pagdadalamhati, hindi nila ipinagpaliban ang pagkilos upang mabigyan ng katarungan ang trahedyang ito. Dahil dito, lumapit sila sa PAO, for forensic examination sa mga labi ni Abbie at upang maisampa ang kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo sa mga taong responsable sa pagkamatay niya. Tulad ng nabanggit, naisagawa na ang nasabing pagsusuri ng PAO Forensic Team. Patuloy naman ang legal assistance na ibinibigay ng PAO sa kanila.
Sa pagbubukas ng PAO offices sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), buong ingat kaming nag-oobserba ng safety protocols. Batid natin na may banta pa rin ng panganib ng COVID-19. Gayunman, kahit maaaring buhay ang nakataya, haharap kaming muli ngayon sa Dengvaxia cases nang buong sigasig dahil sa mga kasong ito, buhay din ang nawala. Patuloy rin ninyo kaming maaasahan ang aming serbisyo na kaakibat ng aming mandato.