top of page
Search
Ryan B. Sison

Mga Pinoy na handang magsakripisyo ng kikitain para makatulong sa kapwa na bumabangon, tularan!


Boses ni Ryan B. Sison

Hindi pa rin tapos ang kalbaryo ng manggagawa sa transportasyon kaya naman ilang araw matapos ipatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, kani-kanyang diskarte pa rin ang mga komyuter para makapasok sa trabaho.

Gayundin, nagkalat sa social media ang iba’t ibang sitwasyon ng mga komyuter na kung hindi napagod na sa kakahintay ng masasakyan, no choice naman ang ilan kundi maglakad na lang.

Pero ngayon, dumako muna tayo sa pampa-good vibes dahil kahit maraming problema sa bansa, hindi pa rin nawawala ang ganitong eksena.

Mabilis na nag-viral sa social media ang video ng 87-anyos na lolo na bumibili ng bisikleta.

Ayon sa may-ari ng bike shop sa Pasay City, isang linggong binabalik-balikan ng lolo na nakilalang Mang Carlos, ang bisikleta dahil gusto niya itong bilhin, pero P2, 000 lang ang kaya niyang ibigay at kulang pa ito sa kalahati ng original price ng bike na P4, 500.

Noong Miyerkules, Hunyo 3, muling bumalik si Mang Carlos sa tindahan para subukang tawaran ang bike, pero hindi siya nabigo dahil nakuha niya ang bisikleta na gusto niyang bilhin. Pero sa halip na kunin ang bayad, ibinalik ng may-ari ng shop ang pera at sinabing regalo sa kanya ang bisikleta.

Base sa post, araw-araw na naglalakad si Mang Carlos papuntang Makati para magbenta ng mga kendi at kitang-kita sa video ang kanyang saya.

Nakatutuwa dahil sa halip na makipag-kumpitensiya sa mga kapwa nagbebenta ng bike, meron pa ring handang magsakripisyo ng kikitain para sa ibang tao.

Tipong okay lang sa kanila na mabawasan ang kita sa isang araw, basta makatulong sa mga tulad ni Mang Carlos na patuloy na naghahanapbuhay kahit delikado.

Patunay lang ito na hindi nawawala ang pagiging matulungin ng Pinoy gayung karamihan sa atin ay nagsisimula ring bumangon.

Sa panahon kung kailan napakalaking hamon na maitaguyod ang araw-araw na pamumuhay, sana ay maging daan tayo para magkaroon ng lakas ng loob at pag-asa ang bawat isa.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page