Dear Doc. Shane,
Maaari ba ninyong talakayin ang tungkol sa brain cancer? Na-diagnose sa ganitong sakit ang pinsan ko at dahil sa kawalan ng pera ay hindi siya naoperahan hanggang sa mamatay na lamang. Saan ba nakukuha ang sakit na ito gayung wala namang may kanser sa aming pamilya? – Mr. Dimacuta
Sagot
Ang kanser sa utak o brain cancer ay ang pagkakaroon ng mga bukol sa nasabing bahagi ng nervous system.
Isa itong nakapangangambang kondisyon sapagkat malaki ang posibilidad na maapektuhan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng tao.
Kapag ang utak ay magkakaroon ng problema, hindi makakapag-isip nang maayos ang pasyente at hindi rin magiging maayos ang kanyang pagsasalita at pagkilos.
Bagama’t ang kondisyong ito ay lubhang mapanganib, napakadalang lamang nito. Ayon sa datos, mas mababa pa sa 1% ang posibilidad na magkaroon ng mga cancerous o kumakalat na bukol sa utak ang tao.
Ayon sa National Brain Tumor Society, tinatayang may mahigit 100 uri ng bukol sa utak. Ilan lamang sa mga pangkaraniwang uri ng bukol sa utak ay ang mga sumusunod:
Astrocytoma. Ito ang pinakalaganap na uri ng tumor sa central nervous system. Sa uring ito, ang mga hugis bituing selulang tinatawag na astrocyte ang siyang unang naaapektuhan ng mga bukol. Karaniwang tumutubo ang mga ito sa cerebrum, ang pinakamalaking bahagi ng utak. Bukod dito, maaari ring magkaroon ng astrocytoma ang gulugod (spinal cord) at brain stem.
Glioblastoma multiforme. Ito ay ang pinakalaganap na uri ng grade IV brain cancer. Ang bukol na ito ay maaaring tumubo sa alinmang bahagi ng utak, subalit mas karaniwan itong tumutubo sa mga frontal at temporal lobe.
Meningioma. Ang bukol na ito ay kadalasang tumutubo sa mga lining na pumapaligid sa utak at spinal cord o gulugod. Karaniwang benign lamang ito at mabagal ang pagtubo. Sa katunayan, maaaring hindi agad malaman ng tao na may meningioma pala siya sapagkat minsan ay wala itong sintomas.
Oligodendroglioma. Sa uring ito, nagkakaroon ng mga bukol ang mga taba na pumoprotekta sa mga nerve ng utak at gulugod. Kumpara sa astrocytoma, mas madaling malunasan ang uring ito.
Mga sanhi:
Genes. Kung ang magulang o sinumang malalapit na mga kamag-anak ay may kasaysayan ng kanser sa utak, maaari itong maipasa sa kanilang mga anak. Dahil dito, maaaring magkaroon ng bukol sa utak ang tao, lalo na kung hindi siya nag-iingat sa kanyang kalusugan.
Pagkakalantad sa radiation. Ang pagkalantad sa radiation ay maaari ring magdulot ng kanser sa utak. Karaniwang may malalakas na radiation ang mga X-ray at nuclear power plant. Kapag ang katawan ay madalas na nalalantad sa mga ito, maaaring tubuan ng bukol ang utak at iba pang bahagi ng katawan.
Pagkakalantad sa mga nakalalasong kemikal. Ang pagkakalantad sa mga nakalalasong kemikal tulad ng mga pamatay-peste at pampataba sa mga halaman ay maaaring magsanhi ng kanser sa utak. Dagdag dito, maaari ring magkaroon ng kanser kung madalas nalalantad ang katawan sa paggawa ng mga produktong may kinalaman sa tingga (lead), petrolyo, goma, at plastik.
Paninigarilyo. Bukod sa kanser sa baga, maaari ring magdulot ng kanser sa utak ang paninigarilyo. Ayon sa mga pag-aaral, pinaninipis ng mga sangkap na nakukuha sa sigarilyo ang mga protective lining ng utak. Dahil dito, napipinsala ang utak at nagiging mas madali itong tubuan ng mga bukol.
Mga sintomas:
Madalas na pananakit ng ulo
Hindi maipaliwanag na pagduduwal o pagsusuka
Panlalabo ng paningin
Pamamanhid ng braso o binti
Hirap sa pagbabalanse
Hirap sa pagsasalita nang maayos
Madalas na pagkalito
Pagbabago ng ikinikilos at ugali
Pag-atake ng kombulsyon o pangingisay
Panghina ng pandinig
Pagkawala ng kakayahang makakilos nang maayos
Madalas na pagkalimot
Hindi normal na paggalaw ng mga mata
Pagkibot ng mga kalamnan
Hindi maipaliwanag na pagkawala ng malay
Madalas na pagkahilo
Samantala, upang matanggal ang mga bukol sa utak, ang pasyente ay maaaring sumailalim sa operasyon, chemotherapy, radiation therapy at iba pang mga lunas.