top of page
Search
V. Reyes

Libreng dialysis sa mahihirap, lusot na sa Kamara


Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Kamara ang House Bill 6803 o ang Comprehensive Renal Replacement Therapy Act na layong gawing libre ang dialysis para sa mahihirap na pasyente.

Sa botong 209 na pabor at walang tumutol sa panukalang batas, pinapalawig din nito ang coverage ng PhilHealth para maisama na ang komprehensibong renal replacement therapy at iba pang treatment para sa mga Pilipinong walang sapat na kakayahan na gastusan ito.

Sa ilalim ng panukala, oobligahin ang lahat ng mga ospital ng gobyerno — national, regional at provincial na magtatag ng dialysis service facility na kumpleto sa kagamitan, doktor, nurse at staff.

Paiiralin din ang no balance billing policy para sa mga indigent na pasyente.

Ang sinumang lalabag na pinuno, administrator o officer-in-charge ng ospital, dialysis center at health facility ay maaaring pagmultahin ng P50,000 hanggang P100,000.

Para naman sa mahuhuling nagbebenta ng libreng gamot o serbisyo na kanilang nakuha ay mahaharap sa parusang suspensiyon ng kanilang PhilHealth membership at sa anumang ayuda ng gobyerno sa loob ng anim na buwan.

Sa ngayon, umaabot ng P2,000 hanggang P2,500 ang bayad para sa bawat sesyon ng dialysis sa isang ospital ng gobyerno habang sa mga pribadong pasilidad ay nasa P4,000 kada sesyon.

Ayon kay Baguio City Rep. Mark Go, isa sa mga may-akda ng panukala, ang napakamahal na bayad sa dialysis ang dahilan kaya't maraming Pilipino ang tumatanggi nang magpagamot.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page