Nanindigan ang Malacañang sa polisiya na ipagbawal pa rin ang pagbiyahe ng mga tradisyunal na jeepney kahit sa mga lugar na nakasailalim na sa general community quarantine (GCQ).
Kasunod ito nang kalbaryo ng mga manggagawa na walang masakyan sa pagpasok sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, imposibleng maipatupad ang social distancing sa jeepney kung saan harapan ang mga pasahero, hindi tulad ng mga ide-deploy na modern jeepney na parang bus ang seating arrangement at maipatutupad ang physical distancing.
Para matulungan ang mga jeepney drivers, sinabi ni Roque na puwede silang kunin ng pamahalaan bilang contact tracers dahil nangangailangan pa ang pamahalaan ng 120,000 personnel.
Bukod dito, kinukonsidera rin aniya ng gobyerno ang reconfiguration ng mga jeepney para makasunod sa minimum health standards.
"We are actually considering alternative livelihoods for them. There's a suggestion that they be employed as contact tracers because we do need about 120,000 of them and its only only about 30,000 employed so far," saad ng Kalihim.
"And we’re also considering the complete reconfiguration of the jeepney to comply with minimum health standards," dagdag pa ni Roque.
Nabatid na marami nang mga jeepney driver ang umaaray dahil wala silang hanapbuhay hangga't hindi sila pinapayagang makabiyahe habang ang ilan ay nanlilimos na lamang sa kalsada.