top of page
Search
Nympha

Tips para makapag-adjust sa inuupahan na mas malapit sa trabaho


No Problem

Libu-libo ang nahirapan sa pagbibiyahe papunta sa kani-kanilang trabaho rito sa Kalakhang Maynila nang buksan ang general community quarantine o GCQ dahil lahat ng posibleng masakyan ay may social distancing tulad ng MRT, LRT at PNR train, gayundin ang bus.

Marami naman ang nagplano na gumising nang maaga at madaling-araw pa lamang ay bumiyahe na noong Lunes upang magkaroon ng pag-asa na makasakay kahit paano, pero marami pa rin ang nabigo at nauwi sa paglalakad at pakikisakay sa ibang napakiusapan na pribadong sasakyan.

Mas marami ang gumamit na lang ng motorsiklo at bisikleta upang makarating sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuhan. May mga taksi at TNVS, pero para sa nakararami, mabigat sa bulsa ang pamasahe. Pahirapan ding lalo dahil hindi pa pinapayagang bumiyahe ang mga jeepney at UV Express na mas pinaka-kombinyenteng sakyan ng mamamayan.

At dahil sa unang ilang araw pa lamang ng GCQ ay pahirapan na sa mga empleyado at manggagawa ang biyahe papunta sa kanilang pinagtatrabahuhan, may mga nagpaplano nang umupa na lamang ng maliit na tirahan o kuwarto na mas malapit sa trabaho. Titiisin kahit malayo nang bahagya sa pamilya basta’t makapasok lamang sa trabaho nang hindi nahihirapan. ‘Yung iba naman ay madedestino sa bagong trabaho dahil hindi na nakabalik sa dating kumpanya na nagbawas ng mga tauhan o tuluyan nang nagsara.

Bagong pakikisama ang mangyayari sa iyong uupahan. Nakaka-pressure at nakakapanibago pero mas okey sa ‘yo dahil malapit lang sa iyong pinagtatrabahuhan.

Heto rin ang tips para unti-unting makasundo ang bagong kasambahay at katrabaho. Magpakatatag ka. Kailangan ‘yan sa panahon ngayon ng krisis.

1. MAGPASALAMAT. Oras na magsimula ka, pasalamatan ang mga taong naging daan para makarating ka r’yan. Kumustahin kahit paano ang mga taong nagrekomenda at maging sa nagbigay sa iyo ng pansamantalang tirahan. Huwag kang makakalimot, dapat mong ipakita ang respeto sa kanila.

2. MAKISAMA SA HEALTH PROTOCOL AT PAGKAIN. Kung mahigpit na pinaiiral ang health protocol at curfew sa inuupahan, dapat itong sundin. Kung may pagkakataon kang makapagluto ng sobra, bigyan mo rin ang bagong kakilala. Ipakita sa kanila na aktibo ka at may interes na makasama sila. Malalaman mo sa iyong pakikisama sa kanila kung sino ang maaaring lapitan sa oras na may problema. Pero mag-ingat sa mabilisang pagtitiwala o pakikipagkaibigan sa bagong kakilala maging sa trabaho. Baka kasi maapektuhan ka ng kanilang opinyon. Maaari ka nilang husgahan ayon sa panlabas na nakikita nila sa iyo. Huwag ka munang maglabas ng niloloob mo sa taong hindi mo pa masyadong kilala maging ang mabilis na pakikipagbarkada.

3. MAGPOKUS AGAD SA TRABAHO. ‘Yan ang importante ngayon upang kumita at makabawi sa dalawang buwan na walang suweldo. Pagbutihin mo ang iyong ginagawa at huwag mag-panic kung hindi alam kung paano i-operate ang makina, kalaunan ay matututunan mo rin na gamitin ang mga ‘yan.

4. HUWAG GAGAWA NG MALAKING PAGBABAGO SA TRABAHO. Maghintay ng sapat na panahon upang matutunan nang husto ang mga sistemang umiiral sa trabaho bago ka gumawa ng pagbabagong hindi pinapaboran ng ibang katrabaho. Halimbawa, mas konsentrahin mo ang pag-angat ng benta sa produkto kaysa ang baguhin ang sistema. Umayon ka muna sa agos ng sistema sa dalawang unang buwan mo.

5. MAKISALAMUHA. Palakasin ang ugnayan sa kumpanya. Lumahok sa anumang idinaraos na pagdiriwang. Habang higit kang sumasali, mas mainam. Kung may mga in-house seminars, ipakita mo ang iyong kakayahan sa ibang katrabaho. Lumahok sa professional organizations at laging ipagmalaki ang industriya. Manatili kang makipag-ugnayan sa mga contacts ng kumpanya.

Huwag kang basta malulungkot, madidismaya o maawa sa iyong sarili kung may nagawa kang pagkakamali. Kailangan mo nang lumabas sa sariling mundo mo.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page