top of page
Search
Justine Daguno

Tips para ‘di manakawan gamit ang online banking


Bago pa man magsimula ang pandemya, marami na sa atin ang suki ng online o mobile banking. Bukod sa hindi na kailangang bumiyahe o wala nang mahabang pila, hassle-free talaga dahil tamang “click” lang ay oks na ang transaksiyon mo.

Pero sa panahon ngayon na halos lahat ay gipit o malaki ang pangangailangan, masaklap man isipin, pero maging ang karaniwang mamamayan ay binibiktima na rin ng mga kawatan.

Well, paano nga ba natin maiiwasang mabiktima nga mga “techie” na kriminal?

1. Huwag ibigay iyong pin o password. May mga pagkakataong kailangan ka ma-contact ng banko — para i-check ang kahina-hinalang aktibidad sa iyong account, pagbabago ng address at iba pa. Pero tandaan na anuman ang dahilan ng pagtawag ng bangko sa iyo, kailanman ay hindi nito hihingin ang iyong PIN o password. Huwag magpapadala sa galing ng pagsasalita ng kausap mo dahil minsan ay mas propesyunal pa sa totoong taga-bangko ang mga con artist.

2. Huwag mag-text o mag-email ng mahahalagang detalye. Ito ang pinaka-simpleng taktika ng mga kawatan kaya marami silang nabibiktima. Kapag may nag-text o nag-email sa ‘yo na humihingi ng iyong contact details kahit pa mukhang legit ang mga ito, ‘wag agad maniwala. Maaaring i-report ang email, tumawag o pumunta mismo sa bangko para kumpirmahin ito.

3. Huwag basta mag-accept o mag-open ng mga email. Minsan, sa sobrang makabago ng mga kawatan, sobrang dali nilang makapambiktima sa simpleng galawan. Tulad ng nabanggit, kapag may natanggap na email, ‘wag agad itong buksan o sagutin. Posibleng may virus ito para madaling i-access ang iyong account. Muli, tumawag o pumunta muna sa bangko para i-confirm muna ito.

4. Huwag pumayag na i-transfer ang pera mo sa mas “safe” na account. Kahit gaano pa kaganda ang offer ng kausap mo, ‘wag kang magpapabola. Kung ayaw mo na mapunta sa wala ang perang pinaghirapan mo, palaging alalahanin na mas “safe” ang pera sa iyong account kung hindi ka agad magtitiwala sa kung sinu-sino.

‘Ika nga, hindi excuse ang pagiging ignorante kaya hangga’t maaari ay alamin natin ang mga bagay-bagay lalo na kung involve tayo. Muli, walang imposible sa mga kawatan, masyado silang magaling at matalino kaya sabayan natin ito. Gayunman, ang mga nabanggit natin ay paalala lang pero mas makabubuti kung magtutungo mismo sa inyong bangko upang mas magabayan kayo. Okay?

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page