top of page
Search

PHL Olympic bound athletes na na-stranded, mapapauwi na

Gerard Arce

Maaaring manatili sa kani-kanilang mga lugar ang ilang national athletes na nag-eensayo sa iba’t ibang panig ng mundo, habang nakatakdang magsibalikan sa kanilang mga tahanan ang ilang mga stranded na atleta sa Philsports at Baguio City dahil sa umiral na lockdown sa National Capital Region at buong Luzon.

Patuloy ang paghahanda at pagsasanay nina Tokyo Olympics-bound Ernest “EJ” Obiena ng Pole Vault at Carlos “Caloy” Yulo ng gymnastics sa Formia, Italy at sa Japan, gayundin ang ilang swimmers na nasa Estados Unidos. Samantala, uuwi na sa bansa si 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting na mula Kuala Lumpur, Malaysia sapul pa noong Pebrero 20.

Kasalukuyang may 28 atleta, 4 na Filipino at 2 Korean coaches mula sa Fencing, Boxing, Athletics, at 6 pang sports ang na-lockdown sa dormitoryo ng Philsports Complex sa Pasig City mula nang abutan ng Extreme Community Quarantine (ECQ) sa NCR noong Marso. May ilan ding mga atleta mula sa Baguio City ang paunti-unting nakakauwi na sa kanilang mga tahanan. “Once it normalizes, we will provide them tickets, they have to go home. We have to train all NSAs fairly,” pahayag ng 70-anyos na sports official na si PSC Chairman Butch Ramirez.

Kasunod ng pag-anunsyo ng PSC na binawasan ng 50% ang monthly allowances ng national athletes, siniguro naman na hindi pababayaan ang mga ito, at ibabalik naman sa dating halaga ang allowances oras na maging maayos na ang pagpapadala ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). “Pag bumalik ‘yung pera mula sa PAGCOR, ibabalik din namin ‘yan sa mga atleta. That money is intended for the athletes,” saad ng 2019 SEAG Chef de Mission. “It breaks our hearts. Pero kapag bumalik ‘yan (National Sports Development Fund), we are committed to spend it for the athletes. The purpose of that funding is to spend it.”

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page