Naungkat ang isyu ng legalidad ng pagmamay-ari ng isang dual citizen ng mass media sa Pilipinas sa pagpapatuloy ng pagdinig ng joint committee on Legislative Franchises at Good Government sa inihihirit na prangkisa ng ABS-CBN.
Sa pagdinig kahapon ay kinumpirma ni Atty. Ayo Bautista, ang legal counsel ni Eugenio Lopez III, ang dual citizenship ni ABS-CBN Chairman Emeritus Eugenio Lopez III na isang Pilipino at isa ring Amerikano.
Tinanong ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin, Jr., kung pupuwedeng magmay-ari ng mass media ang hindi purong Pilipino o dual citizen tulad ni Lopez na sinagot naman ni Atty. Bautista na hindi malinaw na isinaad sa Konstitusyon na bawal ang dual citizen sa pagmamay-ari.
“Kasi nakalagay sa Constitution, dapat Pilipino ka. Wala namang nakalagay doon na dapat Pilipino ka lang,” ayon kay Atty. Bautista.
Iginigiit din ni Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na dapat ay Pilipino ang humawak ng mass media ownership ngunit sinagot ito nina Lopez at Bautista na nananatiling Pilipino ang chairman emeritus ng ABS-CBN.
Wala rin umano sa record ng Department of Justice na nag-renounce o itinakwil ni Lopez ang pagka-Pilipino bagamat ipinanganak sa Amerika.
“Wala pong ebidensiya pang napipresenta para ipakita na naging naturalized American siya, na ni-renounce niya ang kanyang Filipino citizenship. So ang kanyang Filipino citizenship ay nananatili,” pahayag ni Justice Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar.
Isa sa mga argumento o isyu laban sa pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN ay ang citizenship ni Lopez nang pangasiwaan nito ang broadcast network noong 1996.
“All my life I have considered myself a Filipino citizen. I grew up in the Philippines. We are 7 generations of Lopezes living in the Philippines,” ani Lopez.
Ipagpapatuloy ang hearing ng joint committee sa Lunes, Hunyo 8.