Naaamoy na umano ang “seryosong” usapan sa pagitan nina boxing legend Manny Pacquiao at undefeated WBO welterweight champion Terence Crawford para sa itatakda nilang sagupaan ngayong huling bahagi ng taon.
Ayon sa source na The Sun, sinabi ni Top Rank promoter Bob Arum na hindi na palalampasin ang 2020 at may mangyayaring bakbakan kina Pacman at “Bud” at magaganap ang venue ng umbagan sa bansang Bahrain.
Hawak ng 41-anyos na Fighting Senator ang WBA superwelterweight title na nasungkit niya mula nang pitpitin si Keith Thurman at ibigay sa maangas na Kano ang kauna-unahang pagkatalo noong Hulyo, 2019.
Samantala, si Crawford ay naging undisputed lightweight champion noong 2017 bago nagwagi at umakyat sa WBO welterweight title nito ring nakaraang taon. Atat na talaga siyang makasagupa si Pacman at palagiang laman ng balita na hindi niya ito tinatantanan ng paghamon maging si WBC at IBF welterweight king Errol Spence, Jr. Kahit sino raw sa kanilang dalawa ay handang sagupain ni Crawford.
Pero kasalukuyan pang nagpapagaling si Spence mula nang maaksidente. Tumaob ang minamaneho niyang Ferrari, pero wala naman siyang mga sugat at natamong malulubhang pinsala. Lasing umano ang boksingero habang nagmamaneho.
Samantala, sa pagsasalita sa iFL TV ni Arum, aniya, “We hope to get (Terence) Crawford and (Manny) Pacquiao in action this year through our friends at MTK. We’re in serious talks with Bahrain, doing major fights there.”